Natakam sa labis na panghihinayang ang mga residente sa isang barangay sa Navotas City, matapos lamunin ng apoy ang bodega ng mga tsokolate at biskuwit, sa sunog nitong Linggo ng gabi.
Wala nang natira sa warehouse sa San Rafael Village sa Navotas, na ginawang imbakan ng mga produkto ng Columbia Foods Products, matapos ang halos 10 oras na sunog.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 9:00 ng gabi nang biglang magliyab ang unang palapag ng bodega, at dahil mga karton at plastic ang laman nito ay mabilis na kumalat ang apoy hanggang madamay ang isang LPG tank at sumabog ito.
Umabot sa Task Force Echo ang sunog, na umabot hanggang sa ikatlong palapag ng warehouse.
Wala namang trabahador sa warehouse nang mangyari ang sunog, dahil Labor Day.
Inaalam pa ng awtoridad ang halaga ng mga ari-ariang natupok at ang sanhi ng sunog, na tuluyang naapula dakong 7:00 ng umaga kahapon.
“Sayang, kung alam lang namin na masusunog [ang bodega], sana ipinamigay na lang sa amin [ang mga biskuwit],” anang mga residente. (Orly L. Barcala)