Itataya ng dalawang pamosong fighter ng Sanman Gym ng Gen. Santos City ang kani-kanilang matikas na karta sa pakikipagtuos sa Russian rival sa Mayo 6 sa DVS Ekaterinburg, Russia.
Haharapin ni Rimar Metuda (10-0, 5 TKO) si Russian Mark Urvanov (6-3,3KO), habang mapapalaban si Romero Duno (9-0,8KO) sa w ala ring gurlis na si Russian, Mikhail Alexeev (7-0,3 KO).
Nakakasa sanang makaharap ng 22-anyos na si Metuda sa isang Chinese fighter para sa WBA Oceania title sa China noong Pebrero ngunit naibasura ang usapin. Napilitan siyang lumaban nitong Marso at nanalo via knockout kontra Joel Hecotibo sa T’Boli, South Cotabato.
Nakopo ni Metuda ang bakantang WBF Asia Pacific featherweight sa impresibong fifth round TKO kay Jason Tinampay sa General Santos City noong Disyembre.
“Both of them are fighting young and talented Russian fighters,” sambit ni Sanman Promotions chief executive officer Jim Claude “JC” Manangquil.
“The fights are very evenly match. But we are hoping both Duno and Metuda will bring home the belts,” aniya.
Ang German na si Titov ang tatayong promoter.
Kapwa nagsanay sina Duno at Metuda sa loob ng anim na linggo at nakatakda silang umalis patungong Russia sa Abril 30. Makakasama sila ang manager na si Dexter “Wangyu” Tan, ang chief finance officer ng Sanman.
“Both Romero Duno and Metuda are in well condition. They trained hard for these fights,” pahayag ni Manangquil.