Ibabalik ng San Miguel Beer ang dating PBA Best Import na si Arizona Reid bilang kapalit ni Tyler Wilkerson para sa 2016 PBA Commissioner’s Cup.
Ito ang inihayag ni Beermen coach Leo Austria matapos nilang mai-extend ang best-of-five semifinals series kontra Rain or Shine nitong Huwebes ng gabi, sa pamamagitan ng 104-98 na panalo sa Game Three sa Philsports Arena.
“He’s the best available player right now,” pahayag ni Austria na umaming desisyon niya ang paglalaro ng Beermen ng All- Filipino noong Huwebes matapos ang masamang inasal ni Wilkerson kasunod ng kanilang ikalawang sunod na kabiguan noong Martes ng gabi sa Araneta Coliseum.
“OK naman siya (Wilkerson), kasi gusto niyang manalo.Kaya lang dahil sa ginagawa niya, sa kagustuhan niyang ipakita na siya yung best import, hindi na nai-involved ‘yung ibang teammates niya,” aniya.
“He may be scoring 56 points, 48, 40, nanalo kami but his teammates are not happy. Tinitiis ko lang eh! Kasi gusto ko ring manalo,but he did something terrible last Tuesday so I decided to play All-Filipino,’ pahayag ni Austria.
Lumabas ang tunay na laro ng Beermen partikular sina Arwind Santos at Marcio Lassiter na siyang nangungunang apektado sa ginagawa ni Wilkerson.
“Nakita ‘nyo naman masaya sila at naroon yung extra passes kina Alex Cabagnot at Chris Ross,” aniya.
Inaasahan ng Beernen ang pagdating Reid sa Sabado para makasama na nilang maglaro sa Game Four sa Linggo.
“Siguro mas maganda yung magiging chance namin kung may import,” ani Austria.
Hindi na, aniya, sila humanap pa ng ibang import dahil mahihirapan pa sila sa adjustment kumpara kay Reid na alam na ang kanilang sistema. (Marivic Awitan)