Tinuldukan ng Ateneo Blue Eagles ang dominasyon sa UAAP men’s volleyball nang pabagsakin ang National University Bulldogs, 25-16, 25-20, 25-19, kahapon para angkinin ang back-to-back title sa UAAP men’s volleyball championship sa MOA Arena.
Hindi binigo ni team captain Ysay Marasigan ang kanyang mga kasangga nang pangunahan ang Ateneo sa naiskor na 12 puntos, tampok ang 11 atake at isang service ace, at makopo ang ikalawang sunod na kampeonato.
“Sobrang hirap kasi first time namin to defend a title. Pero I just told my players that we should execute more than our opponent and I’ m very happy nag deliver ang mga players ko,” pahayag ni Ateneo coach Oliver Almadro.
Mula sa siyam na puntos na pagkakaiwan, 15-24 sa third frame, nagsikap pang humabol ang Bulldogs at natapyas nila sa lima ang bentahe,19-24 matapos magsalansan ng apat na dikit na puntos kasunod ng matchpoint mula sa error ni NU reserve setter Harold Dayandante.
Dahil dito, agad tumawag ng timeout si Almadro at kasunod ang hataw ng three-time MVP Marck Espejo para sa setpoint sa pamamagitan ng isang back line hit.