Nakatakdang parangalan ngayong hapon bilang MVP ng liga sina Ateneo star Alyssa Valdez at Marco Jesus Espejo.

Gaganapin ang awards rites ng UAAP Season 78 volleyball tournament matapos ang Game Two ng men's finals sa pagitan ng Blue Eagles at National University na sisimulan ng 12:00 ng tanghali.

Bukod sa pagiging MVP sa ikalawang sunod na pagkakataon, pararangalan din si Valdez sa kanyang huling taon sa UAAP bilang Best Scorer at Best Server.

Inaasahang makakadagdag inspirasyon para sa 22- anyos na si Valdez ang mga naturang individual honor upang muling giyahan ang Lady Eagles sa pagbangon mula sa straight sets na kabiguan sa kamay ng kanilang archrival La Salle noong Game One.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Muli ring pararangalan si Espejo na may dalawang taon pang maglalaro para sa Ateneo bilang Best Server at Best Spiker.

Kasama ni Valdez na tatanggap ng individual honors ang kapwa Batangueña at La Salle playmaker na si Kim Fajardo bilang Best Setter, ang kanyang kakampi at isa pang ipinagmamalaki ng lalawigan ng Batangas na si Dawn Nicole Macandili na siyang napiling Best Digger at Best Receiver, at ang teammate nilang si Mary Joy Baron bilang Best Blocker.

Nahirang namang Best Spiker si Jaja Santiago ng NU Lady Bulldogs.

Sa kalalakihan, ang iba pang mga awardees ay sina Edward Camposano ng University of the East (Best Blocker), Ricky Marcos ng NU(digger), Rikko Marmeto ng Far Eastern University (receiver) ,James Natividad ng NU(Rookie), at Ish Polvorosa ng Ateneo (setter). (Marivic Awitan)