BATA pa ako at abala sa aking pamilya at negosyo kaya wala pa akong balak na sulatin ang kasaysayan ng aking buhay o ang aking autobiography. Ang sinimulan kong sulatin ay ang 21 taon na ginugol ko sa pulitika, at balikan ang panahon ko bilang isang lingkod-bayan.

Ang paglilingkod ko sa pamahalaan ay nagwakas noong 2013, nang matapos ang ikalawa kong termino bilang miyembro ng Senado. Ngunit gaya ng sinabi ko sa aking huling privilege speech: “Maaari nga bang magretiro sa pulitika?”

Sa ilang panayam sa ginanap na Forbes CEO Conference noong 2015, sinabi ko ngang tapos na ako sa pulitika, na hindi ko ito pinangungulilahan. Ngunit sa aking pananaw, hindi limitado sa pamahalaan ang pulitika.

Sa aking privilege speech, ipinaliwanag ko: “Nag-aalangan akong tawagin itong isang pamamaalam dahil batid ko na ang paglaban sa kahirapan ay hindi lamang sa larangan ng serbisyo-publiko. Patuloy ang pakikipaglaban kahit sa pansariling kapasidad.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Mapalad ako na nagkaroon ng pangunahing papel sa daigdig ng negosyo at publiko. Dahil dito, batid ko na ang pagtulong sa ating mga kababayan ay hindi lang para sa mga nasa pamahalaan.

Isa sa mga bagay na ibig kong banggitin sa aking memoir ay ang aking karanasan sa pangunguna sa dalawang kapulungan ng Kongreso. Nahalal ako bilang ika-18 Speaker ng Mababang Kapulungan noong 1998, at ika-25 Senate President noong 2006.

Itinuturing kong isang napakataas na karangalan na maging unang opisyal ng pamahalaan na naging tagapanguna ng dalawang kapulungan ng pambansang lehislatura pagkatapos ng WWII.

Ang aking memoir ay hindi lamang simpleng pagtatala ng mga pangyayari kundi isang lagakan ng aking pagninilay-nilay at opinyon, na inaasahan kong magbibigay-liwanag sa kaunlaran ng ating kasaysayan sa pulitika.

Kabilang dito ang mga pakikipagtunggali ko upang maging Speaker, na humantong sa makasaysayang impeachment ng isang pangulo at sa impeachment ng isang Punong Mahistrado, at ang paghahangad ko na mahalal na pinakamataas ng pinuno ng bansa noong 2010.

Ibig kong ibahagi sa publiko ang mga ideya sa pulitika na aking naisip habang at pagkatapos ng aking termino sa pulitika. Kapwa ko nararamdaman ang pagmamalaki at ang kababaang-loob sa aking karanasan sa serbisyo-publiko.

Ipinagmamalaki ko na sa mahigit dalawang dekada ko sa serbisyo-publiko ay ginawa ko ang lahat para sa isang adhikain: na ang landas na tinahak ko sa buhay upang makaahon sa kahirapan at umunlad ay maranasan din ng ating mga kababayan.

Ngunit nakadarama rin ako ng pagkaaba dahil sa laki ng problema sa kahirapan, kaya sa kabila ng maliliit na tagumpay ay marami pa ring Pilipino ang walang pagkain sa hapag. Namamalagi ang hamon.

Ang mga taon ko bilang isang lingkod-bayan ay inilalarawan ng isang adhikain: ang paglaban sa kahirapan. Ganito pa rin ang aking adhikain bilang isang negosyante at ito rin ang aktibong tinututukan ng Villar Foundation.

Bilang isang pribadong mamamayan, muli kong binuhay ang aking pag-ibig sa pagiging entreprenor. Sa kabila nito, nagagawa ko pa ring magnilay-nilay sa buhay ko bilang isang pulitiko. (Manny Villar)