HANGGANG ngayon ay nakalarawan pa sa aking imahinasyon ang isang matikas na reporter na biglang pumapasok sa editorial room ng pahayagang ito; may bitbit na kamera, may nakasukbit na walkie-takie at iniaabot sa akin ang kopya ng kanyang mga report. Iyan si Loy Caliwan, ang aming reporter na matagal na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago siya sumakabilang-buhay noong Abril 23.

Noon, ang pahayagang ito na inilalathala ng Liwayway Publishing Company ay nasa Makati City pa; ngayon, ito ay inilipat na sa Manila Bulletin Publishing Corporation sa Intramuros, Manila.

Isa si Loy sa mga pioneer o mga unang reporter ng peryodikong ito. Nasubaybayan ko ang kanyang mga pagpupunyagi upang matutuhan ang lahat ng bagay hinggil sa peryodismo. Lagi niyang nagiging gabay ang paniniwala na walang may monopolyo ng katalinuhan. Pinag-aralan niya ang lahat ng dapat pag-aralan. Naging dahilan ito upang siya ay taguriang isang simbolo ng tri-media. Ibig sabihin, nakilala siya sa larangan ng photo, print at broadcast journalism.

Bata pa si Loy nang magsimula bilang photographer ng pahayagang The Sun noong hindi pa idinideklara ang martial law.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Minana niya ang propesyong ito sa kanyang ama na si Pablo ‘Pabs’ Caliwan na isa ring photographer sa orihinal na Manila Times. Tulad ng kanyang ama na isang premyadong photo journalist, sinikap ni Loy na maging dalubhasa rin sa gawaing ito.

Isinabay ni Loy ang kanyang pagsisikap upang maging isang lehitimong peryodista. Hindi nga nagtagal, kinilala siya bilang isang professional journalist na naging dahilan upang siya ay mahalal na Presidente ng NAIA Press Corps; naging aktibo bilang opisyal ng National Press Club at kalaunan ay naging lifetime member ng naturang organisasyon ng mga mamamahayag.

Hindi pa naging kuntento si Loy sa pagiging photo at print journalist. Pumalaot din siya sa larangan ng broadcast journalism. Hindi nagtagal, dahil sa kanyang mga kakayahan at karanasan, siya ay naging patrol reporter ng DZRH sa loob ng mahabang panahon. Ang kanyang mataginting na tinig ay matagal ding pumailanlang sa himpapawid.

Sa panahon ng kanyang pagiging simbolo ng tri-media, maraming beses ding nasuong sa panganib ang kanyang buhay dahil sa pangangalap ng balita sa malalaking aksidente at makabuluhang mga coverage. Kinikilala siyang haligi ng peryodismong Pilipino.

Kaakibat ito ng aming pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay. Paalam, Loy. (Celo Lagmay)