Nagningning si Senator Grace Poe, standard bearer ng Partido Galing at Puso, sa ikatlo at huling yugto ng PiliPinas Debate 2016 nitong Linggo matapos niyang epektibong maihatid sa mamamayan ang kanyang plataporma, lalo na tungkol sa maiinit na isyu.
Sinabi ni Prof. Prospero de Vera, UP vice president for public affairs, na naging bentahe ni Poe ang pagiging babae at ina upang maihatid ang adhikain nito na mas madaling maintindihan ng masa.
“Magaling na noong huling debate, magaling pa rin ngayon, siyempre si Grace Poe. Kasi ginamit niya yung issue ng ina, ‘yung babae. Dahil ‘yung daing nung mga nagtatanong, ay panay daing tungkol sa buhay, tungkol sa anak, tungkol sa pamilya,” pahayag ni De Vera.
Sa pamamagitan ng town hall-style debate, pumili ang mga event organizer ng ilang ordinaryong mamamayan upang ibahagi ang kanilang mga karanasan sa problema sa trapiko, contractualization, kapakanan ng overseas Filipino workers, kalusugan, kahirapan, at maging agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
“Natural ang kanyang sagot na ‘bilang isang ina, nararamdaman ko ‘yung nararamdaman mo’. So mas naka-connect siya dahil siya ay babae at ginamit niya ‘yung pagtingin ng isang babae sa mga isyu,” ani De Vera.
Ginanap sa University of Pangasinan nitong Linggo, ang huling PiliPinas Debate ay inisyatibo ng Commission on Elections, sa pakikipagtulungan ng ABS-CBN at Manila Bulletin. (Leonel Abasola)