Iginiit ni vice presidential bet Senator Antonio Trillanes IV na sinungaling si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, PDP Laban standard bearer, dahil sa mga ulat na sinabihan siya ng alkalde na “sira ulo” nang magkaharap sila nitong Abril.
"Sinungaling siya. Kung sinabi niya sa ‘kin ‘yan, eh, ‘di sinapak ko siya kaagad. Mahaba at maayos ang kuwentuhan namin at sinabi pa nga niya na hinahangaan niya ang pagseserbisyo ko sa bayan. Ang pruweba ko na maayos ang kuwentuhan namin ay ‘yung picture namin pagkatapos ng meeting na ‘yun. Mayor Duterte, don't mess with me,” ani Trillanes.
Nag-ugat ang bangayan ng dalawa nang sabihin ni Trillanes na nagkuwento sa kanya si Duterte nitong nakaraang Abril at idinetalye ng alkalde kung paano nito pinapatay ang mga kriminal kahit nakaluhod na at nagmamakaawa.
“He told me that he made people get down on their knees and shot them in the head, splattering their brains on the ground. He told me that story and I was thinking that perhaps if the people involved were soldiers and they were serving in a war …. well, that’s how it is in the military. But mafia-style executions about which you tell me casually and you sleep well, people who do that are different—they are sick,” ayon kay Trillanes.
Hindi naman itinanggi ni Duterte na nagkita sila ni Trillanes at iginiit nito na inalok ng senador ang sarili bilang katambal ng alkalde sa 2016 elections, pero tinanggihan niya ito.
Sa bersiyon naman ni Trillanes, nag-usap sila ni Duterte sa posibilidad na maging bise presidente siya pero sinabi ng alkalde na wala itong planong kumandidato at noong Oktubre 2015 lamang ito nagdesisyon na sumabak sa pagkapangulo. - Leonel Abasola