Ni ELLALYN B. DE VERA
Sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos na kanyang inaabot habang papalapit ang eleksiyon sa Mayo 9, nangunguna pa rin si PDP Laban standard bearer at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa huling survey ng Pulse Asia, na kinomisyon ng ABS-CBN network, nitong Abril 12-17.
Isinagawa ang nationwide survey sa pamamagitan ng face-to-face interview bago binitawan ni Duterte ang kanyang kontrobersiyal na “rape joke” nitong Abril 17, na umani rin ng sari-saring reaksiyon mula sa iba’t ibang sektor.
Base sa sagot ng 4,000 respondent, umangat ang rating ni Duterte sa 34 na porsiyento mula sa 32 porsiyento na kanyang nakuha sa survey ng Pulse Asia nitong Abril 5-10.
Nananatili sa pangalawang puwesto si Partido Galing at Puso candidate Sen. Grace Poe na nakakuha ng 22 porsiyento, tatlong puntos na mas mababa sa dating 25 porsiyento.
Itinuring naman ng Pulse Asia na “statistically tied” sina Vice President Jejomar Binay ng United Nationalist Alliance at Mar Roxas ng Liberal Party, na nakakuha ng 19 at 18 porsiyento.
Samantala, nakakuha naman si Sen. Miriam Defensor Santiago ng dalawang porsiyento sa huling Pulse Asia survey sa mga presidential candidate.
Samantala, limang porsiyento ng mga respondent ang wala pa ring mapili, hindi makapagdesisyon, o tumangging ihayag ang kanilang mamanukin sa presidential race.
Lumundag din ang bilang ng mga residente ng Metro Manila na pabor kay Duterte mula sa dating 32 porsiyento at ngayo’y nasa 43 porsiyento na.