MAY kakilala ka ba na buong pusong inialay ang sarili sa kawanggawa? Karapat-dapat siyang makilala ng mundo, at magawaran ng 29th Blessed Teresa of Calcutta Award (BTCA).
Hanggang sa Hulyo ay maaaring mag-nominate ang sinuman ng mga indibiduwal na sa palagay nila ay karapat-dapat na tumanggap ng nasabing pagkilala.
Inilunsad noong 1983 ng AY (Alfonso Yuchengco) Foundation, Inc. at ng Junior Chamber International (JCI) Manila, layunin ng BTCA na himukin ang publiko na tutukan ang kahalagahan ng pagtulong sa mga nangangailangan, at kilalanin ang mga nag-alay ng mahalagang bahagi ng kanilang buhay upang paglingkuran ang “poorest of the poor”.
Ang parangal ay nilikha bilang pagbibigay-pugay kay Blessed Teresa, na kilala bilang “living saint” dahil sa kanyang hindi matatawarang malasakit sa kapwa at pag-aalay ng buong buhay sa pagsisilbi sa mahihirap.
Maaaring marami ang nagtataka kung bakit sa dami ng santo ay pinili ng JCI at AY Foundation si Blessed Teresa ng Calcutta.
“If I’m not mistaken, the Philippines is the second most visited country by Mother Teresa. She had charities here,” sinabi ni Gio Valencia, pangulo ng 2016 BTCA, sa Philippines News Agency.
Aniya, mismong si Mother Teresa ang personal na nag-abot ng unang BTCA noong 1983.
Ang sinumang tao, anuman ang lahi, relihiyon, at kasarian, na naglingkod sa mga nangangailangan at kapus-palad na Pilipino sa loob ng 25 taon ay kuwalipikado sa parangal.
Mayroong mga nomination form sa Facebook page (www.facebook.com/BTCAward) ng BTCA. Tanging mga kumpletong nomination form ang tatanggapin.
Ipadala ang mga nominations form sa BTCA Committee sa JCI-Manila Clubhouse, Arquiza corner Grey Street, Ermita, Manila. Maaari ring magsumite online sa [email protected].
May kabuuang P1,500,000 prize in cash and kind ang naghihintay sa magwawagi (P500,000 cash sa mananalo, P500,000 sa pinaglilingkurang kawanggawa/komunidad, at 500,000 in kind para sa komunidad/kawanggawa.)
Kabilang sa mga pipili ng pararangalan sina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Alfonso Yuchengco, at Dondon Bagatsing ng JCI.
Ihahayag ang awardees a unang linggo ng Setyembre.
Sinabi ni Valencia na nais ng mga organizer na maging higit na espesyal ang BCTA ngayong taon dahil itinakda sa Setyembre 4, 2016 ang canonization o opisyal na pagdedeklara bilang santo kay Blessed Teresa.