Kakasa ngayon si Filipino Richie “Magnum” Mepranum bilang mandatory challenger ni World Boxing Council (WBC) super flyweight champion Carlos Cuadras na boluntaryong idedepensa ang korona sa Centro de Usos Múltiples sa Los Mochis, Mexico.
Masuwerteng nakamit ni Mepranum ang pagkakataon sa world title makaraang hindi matuloy ang negosasyon ni Srisaket Sor Rungvisai ng Thailand at ng Mexican champion.
Sa ulat ng PhilBoxing.com, heavy favorite na manalo si Cuadras para sa kanyang ikaanim na title defense na nakamit niya noon pang Mayo 2012 sanhi ng technical decision victory kay Srisaket. Ang Thai fighter ang mandatory challenger nang magwagi ito kay Mexican Jose Salgado ngunit nabigong maisara ng dalawang kampo ang kanilang fight contract.
Nauna nang nauwi sa technical draw ang unang pagdedepensa ni Cuadras kay Salgado. Hawak niya ang perpektong 34-0-1 kasama ang 26 knockouts.
“In a lively crowded Main Plaza of Los Mochis, Sinaloa, the official weigh for the WBC super flyweight championship at the Usos Multiples Center was celebrated with pomp, circumstance and fanfare,” ayon sa ulat ng official WBC website.
Kapwa nakapasok sa weight limit ang dalawang fighter. Tumimbang si Cuadras ng 113.3 pounds, habang nasa 112.8 pounds naman si Mepranum.
“The preparation of Cuadras is meticulous for his title defense against dangerous Filipino southpaw Richie ‘Magnum’ Mepranum,” ayon sa ulat ng WBC.
Aakyat ng ring ang 28 anyos na Mepranum tangan ang 31-4-1 record tampok ang walong knockout at kinokonsiderang isang matalinong boxer.
Naiuwi ni Mepranum ang bakanteng World Boxing Union (German version) super flyweight title sa bisa ng 6th round technical knockout kay Marjun Tabanco noong Nobyembre 14 noong nakaraang taon. (Gilbert Espeña)