Dahil sa pakikialam sa data system ng Commission on Elections (Comelec), pinayuhan ng isang opisyal ng komisyon ang mga rehistradong botante, na naniniwalang nakokompromiso ang kanilang mga personal information, na gawin ang mga nararapat na hakbangin upang protektahan ang kanilang mga sarili.
“For safety considerations, you might as well protect yourself as though you are at risk,” sabi ni Comelec Spokesman James Jimenez.
Ang isang paraan, aniya, ay ang pagbabago sa password ng email.
“If you feel that you are affected we recommend you change your password immediately. To clarify, your password is not in our database since we didn’t ask for it. What we have is your email address,” mungkahi ni Jimenez.
“If your email address is known, that might be actually a vulnerability so we recommend that people change their password. If you can adopt the two step verification it will also be very helpful,” dagdag niya.
Sa mga nabulgar naman ang credit card number, sinabi ni Jimenez na makabubuting tawagan ng mga ito ang bangko o credit card company at ipaalam ang posibilidad na naapektuhan ng data leak.
Una nang kinumpirma ni Jimenez na naisara na ang hacker website na www.wehaveyourdata.com.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkabahala ang poll watchdog group na Kontra Daya sa posibilidad na magamit ang naisapublikong datos ng Comelec sa pandaraya sa halalan.
“The Comelec should be held liable for this incompetence,” anang Kontra Daya. “We also need to ask if the Election Management System (EMS), a component of the Automated Election System, is not similarly compromised.”
(Leslie Ann G. Aquino)