Muling tiniyak ng Malacañang na walang mangyayaring power interruption sa buong panahon ng paghahalal ng mga susunod na pinuno ng bansa sa Mayo 9.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., nakatutok ang Department of Energy (DoE) sa pagtiyak na tuluy-tuloy ang supply ng kuryente sa araw ng eleksiyon.
“Patuloy na tinututukan ng ating Department of Energy, sa pangunguna ni Secretary Zenaida Monsada ang day to day, hour by hour energy supply situation,” sabi ni Coloma.
Aniya, nakikipagtulungan din ang stakeholders, kabilang ang pribadong sektor, sa pamamagitan ng paggamit ng kani-kanilang private generating capacity sa ilalim ng interruptible load program (ILP).
Binanggit din ni Coloma ang mabilis na pagtugon ng sektor ng enerhiya sa itinakdang tatlong-oras na brownout nitong Abril 15 sa Luzon grid.
“Halos 300,000 consumers ang apektado sana ng brownout, hindi na natuloy ito dahil pumasok na iyong mga supply mula sa ating mga katuwang sa private sector,” paliwanag ni Coloma.
Noong nakaraang linggo, isinailalim sa yellow alert ang Luzon grid, habang nag-red alert status ang Visayas at Mindanao dahil sa kakapusan ng kuryente, na dulot na rin ng tag-init at pagmamantine sa mga power plant.
(Madel Sabater-Namit)