Dalawang katao, kabilang ang isang limang-buwang buntis, ang nasawi habang 12 iba pa ang nasugatan matapos silang araruhin ng rumagasang pampasaherong bus habang nasa gilid ng kalsada at naghihintay ng masasakyan kahapon ng umaga sa Don Mariano Marcos Avenue sa Barangay Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Kinilala ni Supt. Richie Claraval, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), ang mga nasawi na sina John Michael Mallari y Yumul, 23, ng San Fernando, Pampanga; at Kristine Joy San Felipe y Berce, 32, limang buwang buntis, ng Barangay Sta Monica, Novaliches, Quezon City.

Napag-alaman na agad na binawian ng buhay si Mallari habang bigo namang maisalba sa pagamutan ang buhay ni San Felipe at ng sanggol sa sinapupunan nito.

Kusa namang sumuko sa pulisya ang driver ng A. Prado Bus (UPV-265) na si Mark Joey Isidera, ng Bagong Silang, Caloocan City, at nakapiit na ngayon sa detention cell ng Traffic Sector 2 makaraang kasuhan ng reckless imprudence resulting to double homicide and multiple physical injuries sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

Base sa report ni Senior Insp. Marlon T. Meman, ng Traffic Sector 2, dakong 6:50 ng umaga at kapwa galing sa SM Fairview ang bus at ang Nissan Urvan UV Express (UVR-695) at habang binabaybay ang Mindanao Avenue ay nag-unahan ang mga ito sa pagkaliwa sa Commonwealth Avenue hanggang sa masalpok ng bus ang kanang bahagi ng van sa intersection ng Mariano Marcos Avenue.

Kinabig ni Isider ang bus pakanan at aksidenteng nasuro ang mga biktimang nag-aabang ng masasakyan.

Agad namang sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng 80 unit ng Martel Bus Company, kabilang ang A. Prado bus na nasangkot sa aksidente, habang iniimbestigahan ang kaso.

(Jun Fabon)