Warriors Rockets Basketball

HOUSTON (AP) — Naisalpak ni James Harden ang fade away jumper, may 2.7 segundo sa laro, para sandigan ang 97-96 panalo ng Houston Rockets kontra sa defending NBA champion Golden State Warriors sa Game 3 ng kanilang Western Conference first round playoff nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Natapyas ng Rockets ang bentahe ng Warriors sa 1-2 ng best-of-seven series. Gaganapin muli sa Houston ang Game 4 sa Linggo (Lunes sa Manila).

Nauna rito, nakaiskor sa layup si Ian Clark mula kay Shaun Livingstone nang maagaw ang bola kay Trevor Ariza may 10.6 segundo para makuha ng Warriors ang 96-95 bentahe.

‘Pasko para sa lahat’ PDLs, may Christmas wishlist ngayong Pasko!

Mabilis ang naging aksiyon ng Rockets at agad nakakuha ng puwesto si Harden para maisalpak ang game-winner.

Nabalewala ang huling tangka ng Warriors nang mag-turnover si Draymond Green.

Nagtumpok ng kabuuang 35 puntos si Harden.

Nanguna sa Warriors si Marreese Speights sa 22 puntos, habang kumana si Klay Thompson ng 17 puntos. Hindi nakalaro si reigning MVP Stephen Curry sa ikalawang sunod na laro bunsod ng pananakit ng paa na natamo niya sa Game 2 ng serye.

RAPTORS 101, PACERS 85

Sa Indianapolis, kumana ang 1-2 punch ng Toronto Raptors para gapiin ang Pacers at kunin ang 2-1 bentahe sa kanilang Eastern Conference first round playoff.

Tumipa ang All-Star guard na sina DeMar DeRozan at Kyle Lowry ng tig-21 puntos para sa ikalawang sunod na panalo matapos ang nakadidismayang opening game.

“We just have to keep building, keep continuing to get better at both ends,” pahayag ni DeRozan.

THUNDER 131, MAVS 102

Sa Dallas, maagang nag-init si Kevin Durant para gabayan ang Oklahoma City Thunder sa dominanteng panalo kontra Mavericks.

Ratsada si Durant sa 34 na puntos, kabilang ang 20 sa first half kung saan naitirik ng Thunder ang double digit na bentahe na hindi na nila binitiwan tungo sa 2-1 bentahe sa kanilang Western Conference first round playoff.

“When I play well, I don’t throw a party for myself afterward,” sambit ni Durant, tumipa ng ika-34 career game na may 30 puntos sa postseason game.

“If I play terrible, I’m not going to go out and change anything up. I’m going to go out there and do the same thing I’ve been doing,”

Sa kabila ng iniindang sakit sa tuhod, naglaro si Dirk Nowitzki sa Dallas at kumubra ng 16 na puntos.