Wala na ang “never-say-die” spirit ng Barangay Ginebra.

Ngunit, kung si Rain or Shine coach Yeng Guiao ang tatanungin, ang “consistency” ang nawala sa kampo ng Kings na naisakatuparan naman ng Painters para makumpleto ang “sweep” sa kanilang quarterfinal duel para sa 2016 OPPO-PBA Commissioner’s Cup.

Winalis ng Elasto Painters, pumasok na No.6 team sa playoff, ang No.3 seed Kings. Tangan ng Ginebra ang “twice-to-beat” na bentahe sa quarterfinal phase.

Ginapi ng Elasto Painters ang Kings nitong Martes, 102-89, upang makausad sa semifinals. Sa unang laro, naungusan ng ROS ang Ginebra, 88-84.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Dahil dito, sumampa sa ikasiyam na sunod na semifinal appearance ang ROS, ang kanilang pinakamahabang record na naitala sa liga na pumantay naman sa dating record na hawak ng Alaska na ginawa nito noong 1995 hanggang 2000.

Muling nanguna sa ROS sina Gilas standout Jeff Chan at ‘Extra Rice’ JR Quiñahan katulong ang bagong import na si Pierre Henderson-Niles.

“We didn’t expect to go 2-0 against Ginebra. But we played good defense especially in the second half and controlled the tempo,” ayon kay ROS coach Yeng Guiao.

“We are the most consistent team in the league and we take pride on that,” ayon kay Guiao, makaraang patalsikin ang Kings sa playoffs sa ikapitong sunod na conference.

Nag-ambag ng 10 puntos at 14 na rebound ang reinforcement na pumalit kay Mo Charlo sa loob ng 27 minutong paglalaro, kumpara sa katunggali nitong si Othyus Jeffers na nagtapos na may 14 na rebound, anim na assist at tatlong steal.

Nakatakdang makasagupa ng Elasto Painters ang magwawagi sa sagupaan ng San Miguel Beer at ng Star Hotshots.

(MARIVIC AWITAN)