NAGSASABONG ang isipan ko tungkol sa tumpak na titulo ng kolum ko. Sumasagi ang “Luneta: Pangatlong Kabanata” na maaaring gamitin bilang huling pananda at habilin sa papatapos nang panunungkulan ni Pangulong Aquino.

Angkop ang paggunita sa Luneta upang ilarawan ang kapalpakang (kaakibat) naganap nang tinambangan ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang tropa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na nalagasan ng 18 sundalo, habang 52 ang sugatan. Kung inyong matatandaan, kabagu-bago pa lamang noon sa panunungkulan ni PNoy, ni hindi pa umiinit ang kanyang likuran sa pagkakasandal sa upuan, ay agad nagkaroon ng “hostage taking” sa Luneta, sa pagitan ng mga turista mula sa Hong Kong.

Natutukan ng buong media, at nasubaybayan ng buong mundo, ang pagbisto sa kahinugan-sa-pilit ng bagong pangulo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Natatandaan ninyo ang batikos na “ngiting aso” nito? Mistulang katawa-tawa ang Pambansang Pulisya at ang buong bansa, sa harap ng kakapusan ng liderato, dahil na rin sa kamusmusan sa pagpapalakad ng gobyerno, at pagharap sa mga kahalintulad na hamon at suliranin.

Kung ibang pangulo sana ang nagtimon noon, kara-karakang pinapuntahan ng kinatawan niya ang hostage-taker na isang pulis, at iniabot ang telepono upang kausapin ng Presidente. Ito’y upang masigurong susuko sa personal na taga-pagitna, makakaasa na gagawaran ng agarang-aksiyon ang kanyang reklamo.

Ang totoo, sa hindi kalayuan noong mga oras na iyon, sekretong kumakain lang ng siopao at nagmamatyag ang “ama” ng bayan sa isang restaurant. Nadagdagan pa ang tala sa Mamasapano! Ewan ko ba, anong balat mayroon ang nakatuntong sa Malacañang, humabol pa ang sana’y pangwakas na pambansang pagluluksa sa Tipo-Tipo, Basilan. Paano nangyari ang kapalpakan sa musmos at tulirong pamahalaan? Dahil nagrereklamo ang Malaysia kontra sa ASG at mga dinukot na mamamayan nito.

Hindi ba’t patakbuhin itong Palasyo ng Punong Ministro ng Putra Jaya. Kaya inutusan ang AFP na habulin at tapusin ang magugulong “terorista”?

Subalit ito ang siste, inutusan ang Tanggulang Pambansa na “magpaalam muna” sa MILF bago ito maglunsad ng opensiba.

Habang nagsisilikas ang ibang puwersa ng MILF at kapamilya nito, ang iba’y abala sa pagti-text sa mga kamag-anak at kaibigang ASG, sa parating na AFP.

Ang ibang MILF ay sumali rin sa pintakasi ng pananambang. Ito ba ang “Daang Matuwid” na iboboto ng mamamayan?

(Erik Espina)