Muling bibiyahe si reigning World Boxing Federation (WBF) International featherweight champion John Vincent “Mulawin” Moralde para sa ikalawang laban sa Metro Manila sa darating na Abril 30.

Unang napalaban sa Maynila si Moralde noong Marso 21, 2014 nang ikasa niya ang majority decision win kay Roman Canto sa isang 8-rounder match sa Fil Oil Flying V, San Juan Arena sa San Juan City.

Makalipas ang dalawang taon, darating ang tubong Davao City na isa nang kampeon at nananatiling wala pa ring talo.

Makakasagupa niya ang mapanganib na si Jimmy “Xcon Tirador” Aducal ng Samar sa main supporting bout ng Brawl at the Mall: Undefeated na gaganapin sa Makati Cinema Square sa Makati City.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Ayon sa PhilBoxing.com, isa itong 10-round non-title fight na itinataguyod ng batang manager- promoter na si Jim Claude Manangquil, Chief Executive Officer ng Sanman Promotions.

“Excited talaga akong makabalik muli sa Maynila upang lumaban. Marami din kasing boxing fans doon,” sabi ni Moralde, kinilala kamakailan bilang isa sa outstanding boxers ng 16th Gabriel “Flash” Elorde Boxing Award sa Paranaque City.

Hawak ng 21-anyos na Moralde ang 15 sunod na panalo habang dadalhin ni Aducal, dating interim Philippine Boxing Federation (PBF) Super Flyweight champion, ang 8-5-2 record na may 6 knockouts.

“This will be another strong challenge for John Vincent since Aducal is not a push over and he is a quality opponent,” pahayag ni Mananquil.

Mapapanood nang libre ang Brawl at the Mall: Undefeated. (Gilbert Espeña)