Isinuko ng Bureau of Customs (BoC) ang may 600,000 piraso, o 300,000 pares, ng abandonadong plaka ng sasakyan sa Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay Customs Commissioner Alberto Lina, ang LTO ang ahensiyang pinakainam na paglagakan ng mga nasabing plaka.
“High security plates ito kaya hindi puwede mapunta sa kamay ng ibang tao. Ang dapat lamang talaga mangalaga ng mga plates natin sa ating bansa, at naaayon sa batas, ay ang Land Transportation Office. Kaya minarapat namin sa Bureau of Customs na ibigay sa kanila, i-turnover,” sabi ni Lina.
Ang mga plaka ay nasa loob ng 11 container van na isinailalim sa kostudiya ng BoC noong Marso. Nabatid na ang Power Plates Development Concepts, Inc. at ang J. Knieriem BV-Goes (JKG) ang supplier ng mga plaka.
Idineklarang abandonado ang mga plaka dahil nabigo ang kumpanya na bayaran ang P40 milyon duties at taxes para rito.
At ang anumang idineklarang abandonado ay awtomarikong pag-aari na ng gobyerno, ayon kay Lina.
Samantala, sinabi ni LTO Chief Cabrera na nagkasundo ang dalawang ahensiya na huwag isubasta ang mga plaka.
“Pareho po kami (BoC) ng position na hindi na dapat i-auction na ‘to because meron na pong mga nagmamay-ari nito, pre-paid na po ito,” ani Cabrera. (Charina Clarisse L. Echaluce)