Legaszpi City – Milya na ang layo ng Batang Maynila at pormalidad na lamang ang kailangan para sa kanilang koronasyon bilang kampeon sa 2016 Palarong Pambansa dito.

Binatak ng NCR, perennial titlist sa taunang torneo para sa estudyanteng atleta, ang hakot sa medalya sa kabuuang 61 ginto, 36 na pilak at 28 tanso sa penultimate day ng torneo.

Sa kabuuan, 22-15-12 ang nagmula sa elementarya at 39-21-16 sa sekondarya para muling dominahin ng Batang Maynila ang pinakamalaking mutli-event tournament sa tag-init.

Nasa ikalawang puwesto ang Region IV-A STCAA na may 29 na ginto, 24 na pilak at 32 tanso, habang ikatlo ang Region VI-WVRAA na nagwagi ng 26 na ginto, 24 na pilak at 24 na tanso. Nasa ikaapat ang nagpapakitang gilas na Region X-NMRAA (20-18-31), ikalima ang bagong tatag na NIRAA (16-16-26), at Region XII-SRAA (15-11-17).

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

May kabuuang siyam na bagong marka – anim sa athletics at tatlo sa swimming – ang naitala sa kasalukuyan. Inaasahang madadagdagan ang rekord sa huling araw ng kompetisyon ng dalawang sports.

Kahanga-hanga si Mea Gey Niñura ng DavRAA na unang binura ang rekord sa 3000m sa itinala na 10:03.4 na tumabon sa dating rekord ni Jie Ann Calis ng Region 10 na 10:10.06 noong 2015 Palaro.

Binura rin ni Niñura ang dating rekord sa 1500-meter run sa itinala nitong mas mabilis na tiyempong 4:39.46. Nalagpasan niya ang dalawang taon na rekord ni Jie Anne Calis na 4:44.4.

Napabilis naman ni Calis ang kanyang personal best sa 1,500m (4:42.81) at 3,000m (10:07.8), para sa silver medal.

Nagtala rin ng bagong rekord sa secondary girls high jump si Cherry Mae Banatao ng Region II sa pagtalon sa taas na 1.66 metro upang tabunan ang dating rekord ni Maureen Emely Schrijvers ng NCR na 1.62m.

Nabura rin ang rekord sa elementary girls 200m sprint sa itinakbo ni Angel Dain Pranisa ng Negros Island Region na 26.15 segundo upang burahin ang dating rekord ni Maureen Emely Schrijvers ng NCR na 26.7 segundo.

Unang nagtala ng bagong rekord sa elementarya sina Jerick Mendoza ng STCAA (57.50m), Jan Mervin Francisco ng STCAA (54.15m), at si Melvin Lacson ng host BRAA (51.92m) na pare-parehas tinabunan ang dating rekord ni Jonah Robles ng STRAA na 51,88 m na itinala noong 1998 sa javelin throw.

Nagtala rin ng bagong rekord sa Secondary Boys 100-Meter Dash si Feberoy Kasi ng SRAA sa tinakbo nitong 10.74 segundo, sapat para mabura ang dating rekord na 10.8 ni Jomar Udtohan ng NCRAA noong 2014.

Nagtala naman ng rekord sa swimming si Maurice Sacho Ilustre sa secondary boys 100m freestyle na una sa heats (54.41), at sa finals (54.15), bago tinulungan ang NCR sa pagtatala ng bagong rekord sa 200m free 4X50m relay kasama sina Jexter Jansen Chua, Jerard Jacinto at Miguel Barlisan sa 1:41.54 segundo.

Binura nito ang dating rekord na itinala nina M Callanta, J Arcilla, J Lavina, J Casino ng Calabarzon na 1: 42.11 segundo noong 2015. (ANGIE OREDO)