Mga laro ngayon

(Smart-Araneta Coliseum)

4:15 n.h. -- Alaska vs NLEX

7 n.g. -- Talk ‘N Text vs SMB

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Makopo ang top spot papasok ng quarterfinals ang tatangkain ng San Miguel Beer habang makuha naman ang dalawang huling twice-to-beat advantage ang hangad ng Alaska at Talk ‘N Text sa pagtatapos ng elimination round ng 2016 PBA Commissioner’s Cup ngayon, sa Smart Araneta Coliseum.

Hawak ang barahang 7-3, tatangkain ng Beermen na makopo ang tagumpay upang makamit ang top seeding papasok ng playoff round sa pagharap sa defending champion Tropang Talk ‘N Text sa tampok na laro ngayong 7:00 ng gabi.

Kung magtagumpay, tatabla ang Beermen sa Meralco sa 8-3, makukuha nila ang No.1 spot bunsod ng win-over-the-other rule. Ginapi ng Beermen ang Bolts noong Marso 5 sa road game sa Legazpi City, 94-86.

Kapwa naman may barahang 6-4, isang panalo ang pagkakaiwan sa kasalukuyang pumapangatlong Barangay Ginebra at Rain or Shine na parehas na markang 7-4, panalo-talo, asam ng Tropang Texters at ng Alaska Aces na tumabla upang makamit ang ikatlo at ikaapat na puwesto na may kaakibat ding twice-to-beat bonus gaya ng top 2 papasok ng playoffs.

Makakasagupa ng Aces ang NLEX na kasalukuyan namang nagsosolo sa ikalimang puwesto hawak ang 5-5 karta, ganap 4:15 ng hapon.

Kung magwawagi ang Aces at ang Tropang Texters, madidispatsa nila ang Ginebra at ang Elasto Painters sa ikatlo at ikaapat na puwesto kahit magtabla-tabla sa 7-4 marka.

Tinalo ng Aces ang Elasto Painters , 128-102 gayundin ang Kings 86-80 habang nanaig naman ang Tropang Texters sa Elasto Painters , 114-103 at sa Kings, 107-92. (Marivic Awitan)