Legazpi City – Unti-unti, dahan-dahan, ngunit sigurado ang tirada ng Mindanao Region.

Kumana ang Mindanaoan sa iba’t ibang disiplina para makausad sa top 5 overall team standings kahapon sa 2016 Palarong Pambansa, sa Albay Sports Complex.

Kumpara sa powerhouse at ilang beses tinanghal na overall champion National Capital Region, nagpapakitang-gilas ang Northern Mindanao at SOCCSARGEN Region na inokupahan ang ikaapat at ikalimang puwesto. Ang NMRAA ay may 15 ginto, 12 pilak at 21 tanso habang 12-8-13 naman sa SOCCSARGEN.

Kabilang sa nagbigay ng gintong medalya si Feberoy Kasi na nagtala ng bagong record sa centerpiece event na 100m dash sa secondary boys sa tiyempong 10.74 segundo at tabunan ang dating record ni Jomar Udtohan ng NCR na 10.8 segundo noong 2014 Palaro sa Laguna.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang itinalang rekord ng protégé ni dating national sprinter at long jump champion Henry Dagmil na si Kasi ang pinakauna sa nakalipas na mahigit dalawang dekada para sa Region 12.

Pinakahuling naitalang nagtala ng Palaro rekord para sa Region 12 ay ang mismong nagtuturo kay Kasi na si Dagmil na tinalon ang layong 6.83 metro noong 1998 Palarong Pambansa sa Bacolod City na nagtulak dito upang makuha sa pambansang koponan.

“Masayang-masaya po kasi andiyan si coach (Dagmil). Malaki po na bagay ang mga itinuturo niya sa amin,” sabi ng full-blooded na T’boli na si Kasi, na pangarap matulungan ang kanyang ama na isang habal-habal driver.

Ang Palaro rekord ay una para sa junior high school sa Tboli National High School na si Kasi na unang nakamit ang gintong medalya sa 4x400m relay noong 2015 Palaro sa Tagum City.

Perpekto rin na magtatangkang tumuntong sa kampeonato ang limang boksingero mula sa kampo ni eight-time world boxing champion Manny Pacquiao na mula SOCCSARGEN sa ginaganap na boxing event sa Penaranda Park sa Old Albay District sa Legazpi City.

Habang isinusulat ito, nakatakdang sumagupa para sa pilak sina Jason Denonong sa 38kg., Charles Kenneth Corminal sa 40kg., Kent John Laconse sa 42kg., Criz Russu Laurente sa 46kg., at si Dave Mark Apolinario sa 49kg.

Samantala, sumisid ng kabuuang apat na gintong medalya ang 12-anyos na si Raphael Henrico Santos ng National Capital Region matapos na idagdag ang boys 12 & Under 200m elementary Individual Medley (2:29.42) at ang 100m freestyle (1:00.42).

Mas pinabilis pa ni Maurice Sacho Ilustre ang kanyang rekord na itinala sa preliminaries ng secondary boys 100m freestyle na 54.41 segundo matapos itala ang bagong rekord na 54.15 sa finals.

Limang gintong medalya naman ang iniuwi ni Isabella Louise Sta. Maria ng NCR sa Secondary Women’s Artistic Gymnastics matapos magwagi sa floor exercise, balance beam, vault, individual all-around at team event. Tanging nabitiwan ni Sta. Maria ang single bar na napalunan ng kakampi na si Shantel Gruenberg. (ANGIE OREDO)