HINDI lang pala si Sen. Grace ang nagpunta at nakipagkita sa mga leader ng Iglesia ni Cristo (INC) para humingi ng suporta sa kanilang kandidatura. Maging sina ex-DILG Sec. Mar Roxas at CamSur Rep. Leni Robredo ay nagtungo sa INC Central Office at nakipag-usap sa mga lider nito. Ngunit kapwa itinanggi nina Poe at Roxas na humingi sila ng boto sa INC at inilahad lang umano nila ang kanilang plataporma-de-gobyerno. Well, sino ang lolokohin ninyo?
Ang INC daw ay may solidong 2 milyong boto (bloc voting). Kung ano raw ang idikta ng kanilang pinuno, iyon ang kandidato na iboboto nila. Totoo ba ito, Anthony Taberna at Gerry Baja? Parang wala yatang kalayaan sa pagpili ang kanilang mga tagasunod. Maging ang Diyos ay nagkaloob ng tinatawag na “freedom of will” sa Kanyang mga nilalang kung kaya’t pati Siya ay ‘di sinusunod kung minsan. Dahil dito, may mga atheist at agnostic na kontra sa relihiyon at sa Maykapal.
***
Sinabi ni PNoy na si VP Jojo Binay ay hindi na gaya ng dating Jojo na kilala niya at kaalyado, may 30 taon ang nakalilipas. Ang Binay daw noon ay “selfless”, lumaban sa martial law at kaibigan ng Aquino Family. Ngayon si VP Binay ay nangunguna sa pagbatikos sa kanyang administrasyon na inilarawan niyang palpak, manhid at tamad.
Kung matindi ang init at bakbakan sa pambansang pulitika, mainit na rin ang salpukan sa local politics. Aba, ang maganda palang kalalawigan ko na si Malolos City (Bulacan) Councilor Laurens Jan “Didis” Domingo ay kandidato ngayon sa pagka-alkalde ng nasabing lungsod. Nangakong isusulong niya ang isang matapat at matuwid na pamamahala.
Si Domingo, pinakabatang konsehal ng Sangguniang Panglungsod, ay nagpahayag na sisikapin niya ang pagkakaroon ng mapayapa at maunlad na Malolos, magpapatayo ng pamantasan at ospital sa lungsod na isang makasaysayang lugar sa bansa.
Prayoridad niya ang pagkakaloob ng trabaho, malinis at maayos na palengke, mahusay na serbisyo ng tubig sa bawat tahanan. Bukod dito, sisikapin ng mayoralty bet ang pagkakaloob ng kabuhayan sa kababaihan at solo parent, kooperatiba para sa magsasaka at mangingisda.
“Iingatan ko at igagalang ang karapatan ng mga lesbian, gays, bisexual at transgender (LGBT) community at may kapansanan”, pahayag ng two-time councilor na si Domingo. Ihahanda niya ang isang public school sa Kto12, pagkakalooban ng P10,000 kada semester ang mga scholar ng Malolos, at matapat na pagkalinga sa senior citizens.
***
Siyanga pala, si Roxas daw ay isang “Bayot”. Si Duterte naman ay mamamatay tao. Si Binay ay corrupt. Si Poe ay baguhan at madrama. Eh, sino kaya sa kanila ang iboboto natin sa Mayo 9? (Bert de Guzman)