Matapos ang mahigit isang taong pagkakakulong, pinayagan ng Sandiganbayan Fourth Division na makapaglagak ng piyansa ang sinibak na gobernador ng Masbate na si Rizalina Seachon-Lanete kaugnay sa kasong plunder na kanyang kinasasangkutan na may kinalaman sa pork barrel fund scam.

Nagtungo ang anak ng dating gobernador, na si Atty. Jesi Howard Lanete, sa Sandiganbayan at naglagak ng P500,000 piyansa para sa plunder at karagdagang P330,000 para sa 11 counts of graft.

Sa 77-pahinang resolusyon, pinayagan din ng Sandiganbayan Fourth Division ang petition for bail na hiwalay na inihain ng negosyanteng si Janet Lim Napoles, na itinuturong utak ng pork barrel fund scam.

“In summary, the Court is of the opinion that the evidence, presented by the prosecution, of the guilt of accused Lanete and accused Napoles is not strong,” nakasaad sa resolusyon na isinulat ni Associate Justice Geraldine Faith Econg at kinatigan nina Fourth Division Chairperson Jose Hernandez at Associate Justice Alex Quiroz.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Subalit bigo namang makapagpiyansa si Napoles dahil sinintensiyahan ito ng Makati Regional Trial Court (RTC) na makulong ng habambuhay sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City dahil sa kasong serious illegal detention na inihain ni pork scam whistleblower Benhur Luy.

Si Lanete ay kinasuhan dahil sa umano’y pagtanggap ng P108 milyong halaga ng komisyon sa kanyang pork barrel fund na inilaan sa mga pekeng non-government organization na itinayo ni Napoles at itinustos sa mga ghost project sa Masbate.

“It was not clearly shown that the total amount allegedly amassed by accused Lanete from her PDAF allocation for the years 2007-2010 reached the treshold of P50,000,000.00 for the crime of Plunder,” nakasaad sa resolusyon.

“Luy testified that there was never an instance that money was handed over personally to accused Lanete,” ayon pa sa resolusyon. (JEFFREY G. DAMICOG)