SAN LEONARDO, Nueva Ecija - Isang 32-anyos na lalaki na sinasabing may sakit sa pag-iisip ang nasawi matapos mabaril ng mga pulis na umaawat sa kanyang pananaga sa Barangay Burgos sa bayang ito nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ng San Leonardo Police ang napatay na suspek na si Angelo Ison y Estrella, residente ng nasabing lugar, na tumaga sa balikat ni Dominador Longalong y Valmonte, 62, biyudo, at isang tricycle driver.

Sa imbestigasyon ni PO2 Adrian Lapitan, dakong 7:30 ng umaga nang bigla umanong sumpungin si Ison at habang bitbit ang isang itak ay nasalubong nito si Logalong at walang anumang dahilan na tinaga.

Sinikap nina SPO1 Gerardo Malaca at PO1 Mark Christian Cruz na awatin si Ison ngunit tinaga rin sila nito; sa ulo nasapol si Malaca, habang sa kamay naman nataga si Cruz.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Napilitang magpaputok ang mga pulis at aksidenteng natamaan si Ison, na hindi na umabot nang buhay sa ospital. (Light A. Nolasco)