Sa halip na makatakas bitbit ang kanyang mga kinulimbat na kagamitan, kulungan ang kinahinatnan ng isang miyembro ng Batang City Jail matapos siyang ma-lock sa silid na kanyang nilooban sa Pasay City, kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang arestado na si Jonathan Di, 35, miyembro ng Batang City Jail, at residente ng 126 E. De Guzman Street, Malibay, Pasay City.

Sa kanyang salaysay sa pulisya, sinabi ni John Ronald Orine, 27, isang helper, na papasok na sana siya sa kanyang silid sa No. 80 Cornejo Street, Pasay City bago magtanghali nitong Lunes nang matiyempuhan niya si Di habang nililimas ang kanyang kagamitan.

Agad na ikinandado ni Orine ang kanyang silid mula sa labas ng pintuan at humingi ng tulong sa pulisya habang umaapela ang suspek na buksan ang pinto.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nang kapkapan ng mga pulis na rumesponde, nabawi umano kay Di ang isang patalim na may walong pulgada ang haba.

Habang iniimbestigahan, itinanggi ni Di na nanakawin niya ang mga gamit ni Orine at sinabing hinahanap lang niya ang isang P10 barya na gumulong sa loob ng silid ng suspek.

Kinasuhan ng Pasay City Police si Di ng qualified trespass to dwelling at illegal possession of bladed weapon.

(Martin A. Sadongdong)