SA 4th Philippines Property Awards nitong Abril 7, 2016, tinanggap ko ang Real Estate Personality of the Year award mula sa Property Report, ang nangungunang magazine sa Asya sa larangan ng mamahaling pabahay, arkitektura at disenyo.
Ang ganitong parangal ay hindi para sa isang tao lamang, kundi para sa organisasyon at sa mga bumubuo rito, na nasa likod ng tagumpay.
Mahalaga rin para sa akin ang ganitong parangal dahil galing ito sa industriyang ginagalawan ko. Pinasasalamatan ko nang may pagpapakumbaba ang ganitong pagkilala sa aking trabaho at sa organisasyon ng Vista Land.
Ang pagtanggap ko ng parangal ay isang oportunidad para pag-isipan ang isang isyu na hindi napag-uukulan ng pansin sa mga usapang publiko.
Ang tinutukoy ko ay ang pabahay at ang papel na ginagampanan ng pamahalaan at pribadong sektor upang matugunan ang isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao.
Ang kakulangan sa pabahay sa Pilipinas ay tinatayang nasa 3.9 milyon, at tumataas ng 3-5 porsiyento taun-taon, ayon kay Professor Enrique Soriano III. Aniya, kung 200,000 lang ang maitatayo bawat taon, ang kakulangan sa pabahay ay aabot sa 6.5 milyon sa 2030.
Dagdag pa rito ang 22.8M iskuwater, ayon naman sa Homeless International, isang NGO sa United Kingdom.
Gaya ng kapayapaan, ang pagkakagulo sa Mindanao, rebelyon ng mga komunista at alitan sa pagitan ng Pilipinas at China, mahalaga rin ang pabahay dahil may tuwirang kaugnayan ito sa suliranin sa kahirapan.
Dahil sa aking sariling pinagdaanan, nauunawaan ko ang pangarap ng karaniwang mamamayan: ang magkaroon ng sariling bahay, pagkain sa hapag ,at edukasyon para sa kanilang mga anak.
Pagkatapos ng kolehiyo at pamamasukan, nagpasya akong magnegosyo sa larangan ng real estate.
Naniniwala ako na sa negosyong ito, hindi lamang kami tumutulong na magkabahay ang aming mga kliyente; natutulungan din namin silang matupad ang kanilang pangarap. Bukod sa pagtupad sa pangarap ng mga Pilipino, ang aming adhikain ay magtatag ng mga komunidad, at tumulong sa pagtatatag ng bansa.
Ayon sa German sociologist na si Ferdinand Toënnies, ang isang komunidad ay hindi lamang koleksiyon ng mga namumuhay sa isang teritoryo, kundi isang pangkating pang-lipunan na ang mga miyembro ay nabubuklod ng pagkakaisa dahil sa araw-araw na ugnayan sa iba’t ibang mga aktibidad.
Sa Vista Land, ito ang tinatawag naming “communicities,” na itinatatag batay sa makabagong plano upang maging pamayanan na kumpleto sa lahat ng serbisyo, komersiyo, at mga istraktura na tulad sa isang lungsod.
Sa nakaraang mga taon, nakapagtayo ako ng mahigit 300,000 bahay sa 95 lungsod at bayan sa 36 na lalawigan sa buong Pilipinas.
Para sa isang bansa na milyun-milyon ang iskuwater sa mga lungsod, at sa harap ng malaking kakulangan sa pabahay, kailangang matugunan ang hamon na mabigyan ng disenteng pabahay ang mga Pilipino. Ito ay isang mahalagang isyu na dapat harapin ng susunod na administrasyon. (Manny Villar)