MARAMI sa ating mga kababayan ang nalungkot, nanlumo at nadismaya at ang iba nama’y hindi naiwasang magmura sa naging bunga ng kilos-protesta ng may 6,000 magsasaka mula sa iba’t ibang lugar sa North Cotabato.
Layunin ng kilos-protesta na humingi ng bigas sa pamahalaan sapagkat wala na silang maisaing. Ang kanilang mga pananim tulad ng palay ay naapektuhan ng matinding tagtuyot na epekto ng El Niño. Sa halip na tulungan, ang naging tugon ng mga tauhan ng Philippine National Police kabilang ang SWAT team, sa hininging bigas ng mga magsasaka ay dispersal na marahas. Dahil sa madugong dispersal, na sinabayan ng walang habas na pamamaril, tatlong magsasaka ang napatay at mahigit 300 ang nasaktan, kabilang ang dalawang pulis na malubha ang kalagayan. At ang mas nakalulungkot pa, pati mga buntis at mga senior citizen na kasama sa kilos-protesta ay dinakip at sinampahan ng kaso.
Ayon sa pahayag ni Norma Capuyan, lider ng Apo Sandawa Lumadnog Panangiusa sa Cotabato, isang grupo ng mga magsasaka, malalakas na putok ng baril ang narinig nila habang nagaganap ang kilos-protesta nang tinangkang buwagin ang hanay ng mga magsasaka sa harap ng provincial office ng National Food Authority. Binomba sila ng tubig na naging dahilan upang magsitakbo ang mga magsasaka sa compound ng simbahan. Sa pahayag naman ni Pedro Arnado, vice president ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Mindanao, ang isa sa mga biktima na si Rotello Daelto, ng bayan ng Arakan ay napuruhan sa leeg ng isang ‘di kilalang pulis na namaril kahit nagtaas na ng kamay ang biktima. Nakaluhod na bumagsak ngunit isang pulis pa ang lumapit at muling pinaputukan si Daelto. Sumubsob sa lupa at patay ang biktima.
Ang marahas na dispersal ay kinondena at binatikos ng mga senador. Ayon kay Senador Grce Poe, sa halip na pagkalooban ng tulong dahil sa matinding pinsala ng El Niño, pinagkaitan ang mga magsasaka na nagsagawa ng demonstrasyon dahil sa umano’y kapalpakan ng admnistrasyong Aquino. Hiniling ang madaliang imbestigasyon upang mabigyan ng katarungan ang mga biktimang at maparusahan ang mga sangkot sa marahas na dispersal. Inilarawan naman ni Senador Miriam Defensor-Santiago ang mga pulis bilang hindi makatao. Dapat managot ang pamahalaan sapagkat nilabag ang karapatan ng mga magsasaka sa freedom of assembly. Hindi dapat gamitan ng dahas ang kilos-protesta ng mga magsasaka, ayon naman kay Sen. Bongbong Marcos.
May nagsabi naman na nangyari na rin ito noong panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Cory Aquino. Binanggit ang Mendiola massacre noong Pebrero 22, 1987. Umaabot sa 13 magsasaka ang napatay sa madugong pagbuwag sa hanay ng mga magsasaka na nagkilos-protesta sa Mendiola. Hiniling kay dating Pangulong Aquino na ipatupad nang maayos ang batas sa Land Refom Program. Nasundan ng Hacienda Luisita massacre noong Nobyembre 2004.