Laro ngayon (San Juan Arena)

(Game 4 of Best-of-5 Finals; Accelerators lead 2-1)

2:45 n.h. -- Conference MVP Awarding Ceremonies

3 n.h. -- Phoenix-FEU vs Café France

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Tatangkain ng Café France na mapalawig ang serye at maipuwersa ang ‘sudden death’ sa pakikipagtuos sa liyamadong Phoenix-FEU sa Game 4 ng 2016 PBA D-League Aspirants’ Cup best-of-five title series ngayon sa San Juan Arena.

Kumpiyansa si Bakers coach Egay Macaraya na magagawang mahila ng kanyang tropa ang serye, higit at nagpamalas ang mga ito ng determinasyon sa kanilang ensayo.

“Gutom sa titulo. Sa ensayo, walang puknat ang ratsada. Makuha namin ito, hindi na sila makakaporma sa Game 5, “ sambit ni Macaraya.

Ngunit, tulad nila, uhaw din ang Accelerators sa titulo.

Nakalapit ang tropa ni coach Eric Gonzales sa asam na unang titulo sa liga kasunod ng kanilang 85-84 na panalo sa Game Three sa pamamagitan ng game winner triple ni Roger Pogoy.

“Thankful ako sa players dahil di sila bumitaw. Sabi ko sa kanila, ‘Gusto nyo ba talagang manalo?’ Hinamon ko sila. Binabalik ko sa kanila yung sitwasyon para magpursige,” aniya.

Aminado rin si Gonzales na kung nahirapan sila noong nakaraang laro, mas mahihirapan sila ngayon dahil tiyak na hindi basta-basta bibigay ang naghahangad ng back-to-back D-League titles na Bakers.

“Kung pwede naming tapusin, tatapusin na namin pero hindi yun ganung kadali dahil defending champion yan. Napakalakas nila at ang hirap nilang talunin,” ani Gonzales.

Nakatakda ang laban ng 3:00 ng hapon matapos ang awarding ceremonies para sa napiling Aspirants’ Cup Most Valuable Player ganap na 2:45 ng hapon kung saan mahigpit na magkakatunggali sina Phoenix-FEU duo Mac Belo at Mike Tolomia at Cafe France’ forward Carl Bryan Cruz. - Marivic Awitan