Nakabawi ang defending men’s champion Ateneo de Manila sa kanilang first round tormentor Adamson University sa dominanteng 25-22, 25-17, 25-22 panalo kahapon sa second round ng UAAP Season 78 volleyball tournament, sa MOA Arena sa Pasay City.

Kinasiyahan ng suwerte ang taglay na husay at galing ni reigning back- to- back MVP Marck Espejo na ginamit ang kanyang nakayayanig na jump serves at matitinding spike upang maibawi ang Blue Eagles sa Falcons.

Determinado ang Ateneo na nakatikim ng kahihiyan sa unang paghaharap sa Adamson, sa nakaririnding hit nina Espejo at team skipper Ysay Marasigan para tapusin ang elimination na may 13-1 karta.

Nagtapos na topscorer si Espejo para sa Ateneo na may 17 puntos kabilang ang limang service ace.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagdagdag naman si Marasigan ng 12 puntos.

Dahil sa kabiguan, nalaglag ang Falcons sa 9-4 marka at kakailanganin nilang talunin ang National University sa kanilang huling laro upang makamit ang twice-to-beat advantage sa Final Four round.

Sa women’s division, nabuhayan ang sisinghap-singhap na kampanya ng University of the Philippines sa playoff nang pabagsakin ang University of Santo Tomas, 17-25, 25-21, 25-20, 25-20.

Dahil sa panalo umangat ang Lady Maroons sa 8-6 karta.

Kung magwawagi ang National University sa huling laro kontra De La Salle University sa Miyerkules magkakaroon ng playoff sa pagitan ng Lady Maroons at Lady Bulldogs para sa No.4 spot sa Final Four.

Ngunit kung mabibigo ang Lady Bulldogs, ang Lady Maroons ang kukumpleto ng semi-final cast kasama ang Ateneo, La Salle at Far Eastern University. - Marivic Awitan