ZAMBOANGA CITY – Nasa 18 tauhan ng Philippine Army ang napatay, habang 56 na iba pa ang napaulat na nasugatan, samantalang limang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napaslang din, kabilang ang isang dayuhang bomb maker at Islamic Jihadist preacher, at ang anak ng Abu Sayyaf senior leader na si Isnilon Hapilon, at 20 bandido ang sugatan sa 10-oras na engkuwentro sa kagubatan ng Tipo-Tipo sa Basilan nitong Sabado.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri sa mga mamamahayag sa Western Mindanao Command (WesMinCom), na napatay sa sagupaan ang Moroccan terrorist na si Mohammad Kattab at si Ubaida Hapilon, anak ng Abu Sayyaf leader.

Ayon kay Iriberri, si Kattab ay isang bomb making instructor at Islamic Jihadist preacher, na pinagsasama-sama ang mga armadong grupo at kidnap-for-ransom group sa Sulu, Basilan, at Zamboanga peninsula.

Inihayag ni Iriberri na dakong 8:00 ng umaga nitong Sabado nang nakaengkuwentro ng mga sundalo ng Joint Task Group Basilan Province (JTGBP) ang pinagsamang grupo ng Abu Sayyaf nina Isnilon Hapilon at Furuji Indama, sa kagubatan ng Sitio Bayoko sa Barangay Baguindan, Tipo-Tipo, Basilan.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Napatay sa sagupaan ang mga tauhan ng Philippine Army na sina 1Lt Remegio Licena, Cpl Redel Perolino, Pfc Doren Aspurias, Pfc Marjun Duhaylungsod, Pfc Marjohn Monte, Sgt. Jason Alani, SSgt. Makin Jarani, Cpl. Rodelio Bangcairin, Sgt. Paterno Oquiño.

Nasawi rin sina Cpl. Noel Else, Cpl. Dionisio Labial, Cpl. Rakib Kadil, Pfc Kevin Rey Verano, Cpl. Reezvi Arshcelo Gandawali, Sgt. Akhad Usman, Pvt Dunemark Gil Saldivar, Cpl. Darius Bulan, at Cpl. Ibrahim Palao.

Kumpirmadong pinugutan pa ng mga bandido sina Jarani at Oquiño.

Limampu sa 56 na sundalong nasugatan ay naka-confine ngayon sa Camp Navarro General Hospital sa WesMinCom, apat sa Ciudad Medical Hospital, at ang dalawa ay nasa Doctors Hospital sa siyudad na ito.

Kabilang naman sa 20 nasugatang tauhan ng Abu Sayyaf ang leader ng grupo na si Radzmil Jannatul, alyas Abu Kubay.