BIGO nga ba ang anti-money laundering law sa bansa o hindi ito pinag-aralang mabuti ng ating mga mambabatas bago ito isinabatas? Hindi kaya parang mga batang musmos ang mga mambabatas na ito na unang beses pa lamang nasubukang magsaing kaya hindi pa naiinin ang sinaing ay hinango na sa kalan? Kung hindi, bakit lumilitaw na ang ipinagmamalaki nilang batas laban sa money laundering ay napakaraming butas?
Nakalulungkot isipin na salapi pa ng ibang bansa ang naging biktima ng ipinagmamalaki nating anti-money laundering law. At lumilitaw ang tila hindi pantay na pagtingin ng mga bangko sa depositor na hindi gaanong masalapi kaysa depositor na mayayaman, galing man ito sa nakaw o hindi.
Kapag ang isang karaniwang tao ang nagdeposito ng malaki-laking halaga ay agad na pinagdududahan. Iniimbestigahang mabuti at pilit na itinatanong kung saan nagmula ang salaping idinideposito. Pero kapag milyong dolyar na o bilyong piso ay madaling tinatanggap.
Nakalulungkot ding malama na kapag dumating ang mga reklamo at mga pagdududa, hindi makikisama ang mga bangko para isiwalat ang katotohanan at idinadahilan ang pagkakaroon ng “bank secrecy law.”
Anak ng itik, Ate Chel.
Ang nangyaring pagkawala ng 81 milyon dolyar buhat sa Bangladesh Central Bank patungo sa ating bansa ay nakapagdududa at nakahihiya. Maaari pa itong maging sanhi ng pagbulusok ng ating banking system. Maaari pang pagbintangan ang ating mga bangko na nakikipagsabwatan sa mga tiwaling tao para ma-accommodate ang salapi ng ibang bansa na idineposito lamang ng kung sinu-sino.
Ang nangyaring anomalya kamakailan sa isang bangko ay lumilitaw na sabwatan ng isang grupo. Kung hindi malinaw na sabwatan ito ay bakit halos magkakakilala ang lahat ng sangkot? Kilala nila ang isa’t isa kaya maaaring magkakasabwat sila sa paggawa ng ilegal na transaksiyon.
Tama ang Public Advisory Group Foundation for Economic Freedom na amyendahan ang anti-money laundering law. Sa ngayon, ang nasabing batas ay masasabing mabuti na lamang sa wala. Huwag nating dagdagan ang inaabot na kahihiyan ng ‘Pinas dahil lamang sa kagagawan ng mga walang-hiyang tao at dapat ding maparusahan ang mapatutunayang sangkot sa nasabing ilegal na operasyon lalo na ang mga dayuhan.