MGA Kapanalig, habang sinusulat ang kolum na ito, patuloy na tinutupok ng apoy ang malaking bahagi ng Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas. Ang Mt. Apo, na matatagpuan sa mga probinsya ng Cotabato at Davao del Sur, ay tirahan ng iba’t ibang hayop na dito lang sa Pilipinas matatagpuan katulad na lamang ng ating pambansang ibon, ang Philippine eagle, at mga puno’t halamang daang libong taon na ang tanda.
Nagsimula pa noong ika-26 ng Marso, Sabado de Gloria, ang sunog sa Mt. Apo. Sa taya ng mga kinauukulan, umabot na sa humigit-kumulang 300 ektarya na ang naapektuhan ng apoy. Iminungkahi na ang pangmatagalang pagsasara sa publiko ng Mt. Apo Natural Park para mapangalagaan ito mula sa panganib at pinsalang dala ng mga taong umaakyat dito. Sinasabi kasing nagsimula ang apoy nangmagsigâ ang mga mountain climbers para labanan ang malamig na temperatura. Ayon sa mga eksperto, ang paminsan-minsang pagkakaroon ng forest fires ay normal lalo na sa panahon ng tagtuyot, at ang nagpapatuloy na El Niño ang tinitingnang dahilan sa mabilis na pagkalat ng apoy. Pinangangambahang may masamang epekto hindi lamang sa mga halaman at lupa sa bundok ang apoy, ngunit pati na rin sa mga hayop.
Mga Kapanalig, ang banta ng El Niño o matinding tagtuyot ay alam na natin bago pa man ito dumating. Subalit hindi pa rin sapat ang mga naging paghahanda ng kinauukulan para maibsan o maiwasan ang mga posibleng epekto nito sa atin at sa ating kapaligiran. Kamakailan lamang, naganap naman ang madugong dispersal ng mga magsasaka sa Kidapawan dahil sa kawalan ng pagkain dulot ng matinding epekto ng El Niño na dahilan ng pagkasira ng kanilang pananim.
Ang pangangalaga ng kagubatan at mga hayop at halaman na matatagpuan sa Mt. Apo ay hindi lamang responsibilidad ng ating pamahalaan o ng mga pamayanan sa paligid nito. Bawat isa po sa atin ay may pananagutang alagaan ang ating kapaligiran. Ipinapaalala sa atin ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Laudato Si’ na ang kalikasan o natural environment ay isang “collective good”, isang biyayang dapat pagsaluhan nating lahat. At dahil dito, responsibilidad nating pangalagaan ito.
Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)