Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng ilang pagbabago sa traffic management scheme sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, partikular sa EDSA dahil sa matinding trapiko na nararanasan sa halos araw-araw.

Hanggang sa kasalukuyan, problema pa rin ng libu-libong motorista at pasahero ang matinding trapiko sa EDSA na maituturing nang 24/7, kahit pa minamanduhan na ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang naturang lansangan sa nakalipas na mahigit anim na buwan.

Nabatid na walang pagbabago sa problema ng trapiko sa northbound at southbound lanes ng Cubao, Quezon Avenue at Muñoz sa Quezon City.

Dahil dito, ipatutupad ng MMDA ang ilang pagbabago sa traffic scheme kabilang na ang paglilipat ng road barriers at separators, gayundin ang traffic lights adjustment sa mga intersection, upang ayusin ang daloy ng trapiko.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Nais din ng ahensiya na itakda ang innermost lane para sa mga bus upang maiwasan ang gitgitan ng mga sasakyan, habang tinanggal naman ang U-turn slot paglampas ng West Avenue at inilipat ito sa Quezon Avenue.

Hindi naman ipatutupad ng MMDA ang polisiyang “no road closure”, pero asahan pa rin ng publiko ang pagkukumpuni sa ilang bahagi ng EDSA, sa ilalim naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH). (Bella Gamotea)