BIBIGYANG-PUGAY ng ika-74 na anibersaryo ng Araw ng Kagitingan ang magigiting na nagtanggol sa Bataan, Corregidor, at Bessang Pass. Bago ang Araw ng Kagitingan, ginugunita ang Philippine Veterans Week sa Abril 5-11 upang itaguyod, pangalagaan at panatiliing sariwa sa alaala ang mga ideyalismo at kabayanihan ng mga beteranong Pilipino na magiting na nakipaglaban para sa kalayaan at demokrasya.

Ang magkasabay na okasyon ay maykakaroon ng hiwalay na mga aktibidad, ngunit iisa ang layunin: bigyang-pugay ang mga Pilipinong sundalo at beterano sa pamamagitan ng paggunita sa kanilang dakila at makabayang kontribusyon upang ipagtanggol ang bansa at ang mamamayan, gayundin ang kanilang naging tungkulin sa pagsusulong ng soberanya at pambansang seguridad. Ang tema ngayong taon ay “Isabuhay ang Kagitingan, Kapayapaan ay Pagkaisahan, Kamtin and Mithiing Kaunlaran.”

Ang pangunahing lugar para sa selebrasyon ngayong Abril 9 ay sa Dambana ng Kagitingan sa tuktok ng Mt. Samat sa Pilar, Bataan, na rito inaasahang magbibigay ng kanyang mensahe si Pangulong Benigno S. Aquino III sa harap ng mga beterano at mga pamilya ng mga ito, mga opisyal ng gobyerno, mga edukador, at mga kinatawan ng United States at Japan sa Pilipinas. Magkakaalyado na ngayon ang tatlong bansang ito para sa pagsusulong ng kapayapaan, katatagan, at kaunlaran.

Sinimulan ang Philippine Veterans Week sa isang madaling araw na seremonya at pag-aalay ng bulaklak sa Libingan ng mga Bayani. Bibigyang-pugay ng Armed Forces of the Philippines ang mga beterano; naggawad ng pagkilala sa mga bayaning Pilipino sa makasaysayang Corregidor Island, na roon ay pinatunog ang kampana, binigkas ang pangako ng pagkamakabayan, nagkaroon ng paglilibot at light-and-sound show sa Manila Tunnel; at nagsagawa ng “Paggunita sa Capas” upang bigyang parangal ang mga nasawi sa Death March. Mayroon ding libreng special screening ng pelikula ng kasaysayan na “Heneral Luna”, at symposium sa Images of Valor and Victory, gayundin ang paglulunsad ng librong “For Love of Freedom: Pursuit of Freedom From Want” ni Dr. Senen Asuan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ginugunita ng Araw ng Kagitingan ang pagsuko ng mahigit 76,000 sundalo—67,000 ay Pilipino, 11,796 ang Amerikano, at 1,000 ang Filipino-Chinese—ni United States Army Chief Major General Edward P. King sa Sandatahang Hapon noong Abril 9, 1942, matapos ang paglalaban na nagresulta sa Fall of Bataan at Fall of Corregidor at sa 145-kilometrong Death March mula sa Mariveles, Bataan, na nagtapos sa Capas, Tarlac.

Ipinasa ng Kongreso ang Republic Act 3022 noong 1961 na nagdedeklara sa Abril 9 ng bawat taon bilang Bataan Day. Sa bisa ng Letter of Instruction No. 1087 noong Nobyembre 26, 1980, ginawang public holiday ang Araw ng Kagitingan upang bigyang-pugay ang mga sundalo na nagsakripisyo para sa bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Alinsunod sa Executive Order No. 203 noong Hunyo 30, 1987, naiproklama ang Abril 9 bilang Araw ng Kagitingan.