Nakatakdang idaos ng Jr. NBA/Jr. WNBA Philippines ang final Regional Selection Camp ngayong weekend sa Don Bosco Technical Institute, Makati sa may Chino Roces Avenue mula 9:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.

Ang nasabing Manila try-outs, gaya ng mga naunang selection camps na idinaos sa Baguio, Davao at Cebu, ay bukas para sa lahat ng mga kabataang lalaki at babae na ipinanganak mula 2002 hanggang 2006.

Lahat ng kuwalipikadong lumahok ay iniimbitahang sumali para sa pagkakataong maging bahagi ng selection na makakasama sa third phase ng NBA global youth development program - ang National Training Camp (NTC) – na itinataguyod ng Alaska.

Sa unang araw(Abril 9), lahat ng kalahok ay sasailalim sa vital test at basketball drills, aptitude at endurance at sa pagtatapos ng araw ay pipili ng top 40 batang lalaki at 24 na batang babae na may natipong pinakamataas na cumulative scores sa pinagdaanan nilang challenges na siyang babalik sa huling araw ng clinics.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa huling araw, ang mga kabataang manlalaro ay sasailalim sa mas maraming individual at team basketball challenges.

Magkakaroon ng scrimmage sa pagtatapos ng huling araw kung saan kukunin ang final selection.

Ang performers ng Manila camp ay isasama sa mga top performer ng mga naunang regional selection camp sa gaganaping National Training Camp sa Abril 22 - 24, sa Don Bosco at SM Mall of Asia.

Sa NTC, pipili si Jr. NBA Coach Craig Brown at ang mga Alaska coaches sa pangunguna ni Coach Jeffrey Cariaso ng mga players na may mahuhusay na basketball skills at aptitude at nagpakita ng Jr. NBA core S.T.A.R. values na binubuo ng Sportsmanship, Teamwork, Attitude at Respect para bumuo ng Jr. NBA at Jr. WNBA Philippines All-Stars.

May 10 Jr. NBA at limang Jr. WNBA players ang bubuo sa Jr. NBA/Jr. WNBA All-Stars na magkakaroon ng pagkakataon na makasama ang mga kapwa Jr. NBA All-Stars mula sa iba pang bansa ng Southeast Asia para sa isang natatanging NBA experience.

Lahat ng mga nagnanais lumahok sa Manila Regional Selection Camp ay maaari pang magparehistro sa www.jrnba.asia/philippines. (Marivic Awitan)