LAS VEGAS – Sa kanyang ‘huling laban’ kontra kay Timothy Bradley Jr. para sa nontitle welterweight fight sa Sabado (Linggo sa Manila), wala sa kalingkingan ang tatanggaping premyo ni Manny Pacquiao kumpara sa kanyang duwelo kay Floyd Mayweather, Jr. sa nakalipas na taon.
Naitala nina Pacquiao at Mayweather ang kasaysayan bilang pinakamalaking premyong tinanggap sa isang boxing fight, ngunit nabigo si Pacman via unanimous decision kay Mayweather na kaagad na nagpahayag ng kanyang retirement sa ikalawang pagkakataon.
Ayon sa Top Rank, promoter ng laban, tatanggap ng garantisadong US$20 milyon (tinatayang mahigit P900 milyon) si Pacquiao. Ayon kay promoter Bob Arum, makukuha ni Pacquiao ang US$7 milyon sa Nevada State Athletic Commission pagkatapos ng laban, habang ang US$13 milyon ay sa susunod na dalawang linggo.
Tatanggap naman si Bradley ng premyong US$4 milyon.
Sa kanilang unang pagtatagpo noong 2012, tumanggap si Pacquiao ng US$26 milyon, habang may US$5 milyon si Bradley, habang sa rematch noong 2014, naiuwi ni Pacquiao ang US$20 million at si Bradley ay may US$6 million.
Tatanggap naman si super middleweight titleholder Arthur Abraham ng $500,000 para sa kanyang title defense kontra Gilberto Ramirez sa co-feature fight, ngunit makakakuha ng mas malaking pera si Abraham para sa German television rights. May premyo namang US$140,000 si Ramirez.