Dagupan City – Sasabak sa pinakahuling hamon si Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance sa pagtahak sa matarik na akyatin patungong Baguio City sa pagsikad ngayon ng 94 kilometrong Stage Four at Stage 5 ng 2016 Ronda Pilipinas Luzon leg.
Kilala bilang matinding sprinter at individual time trial specialist, inaasahang hahamunin ng mga karibal ang kakanyahan ng 30-anyos mula Calumpang, Marikina na si Morales sa kinatatakutang matatarik na mga akyatin ng tinaguriang Summer Capital of the Philippines.
Gayunman, inaasahang poprotektahan ng Navymen teammate si Morales na asam na dagdagan pa ang record na itinalang tatlong sunod na Stage victory sa pinakamalaking karera sa bansa.
“Kumpiyansa ako na makukuha ang Stage Four dahil nasa pinakamaganda akong kundisyon ngayon,” sabi ni Morales, tinanghal na Mindanao Leg champion.
Mula sa Dagupan City Hall, tatahak ang kabuuang 45 siklista sa 10 kilometrong neutral distance bago paglabanan ang huling 84 kilometro na tampok ang mga pinag-aagawang puntos sa sprint at ang pinakaaasam na simbolikong polka dot jersey bilang King of the Mountain na makakamit sa paglampas sa mismong Lion’s head.
Una nang nagwagi si Morales sa Stage One criterium na isinagawa sa Paseo de Sta. Rosa sa Laguna Linggo bago dinomina ang Talisay-Tagaytay Stage Two na Individual Time Trial Lunes at ang Stage Three criterium sa Antipolo.
Pinangangambahan naman ng Navy ang ilang baguhang mukha na nakakakaagaw ng silya sa Top 10 partikular na sina LBC-MVPSF riders Arnold Marco at Ronnilan Quita, ang Team ASG team captain na si Richard Nebres, at ang dating kinatatakutang si Ronnel Hualda ng Team Light Science-AV.
Matapos dominahin ang Mindanao at Visayas Leg kung saan pasok lahat ang walo nitong miyembro sa Top 10, unti-unting nakakaramdam ng hamon ang Navy matapos na lima na lamang ang nakaokupa ng silya habang lima din ang hawak ng karibal nitong Team LBC/MVPSF sa top 10 sa overall standings.
Nananalangin na lang si Morales na walang mangyaring masamang insidente na makakapigil sa kanya para maiuwi ang kanyang ikalawang kampeonato.
“Kailangan ko na lang na tapusin na ligtas ang karera,” aniya.
Nakaabang sa likod ni Morales ang magkakampi na sina George Luis Oconer at Rustom Lim na kapwa umaasa na makakasingit sa laban.
“Mathematically possible pa,” pahayag ni Oconer, patungkol sa hawak na puntos ni Morales sa liderato. (ANGIE OREDO)