May alok na libreng-sakay ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa LRT Line 2 para sa mga beteranong Pilipino sa Abril 9-11 kaugnay ng Araw ng Kagitingan at ng Philippine Veterans Week.

Batay sa pahayag ng LRTA, libreng makasasakay ang mga Pinoy veteran sa nasabing mga petsa, mula 7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga; at mula 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi, sa mga istasyon ng LRT Line 2 (Recto-Santolan).

Samantala, inaasahan na rin ang posibilidad ng pagpapatupad ng kaparehong libreng-sakay sa Metro Rail Transit (MRT) at sa Pasig River Ferry System ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ang paggunita sa Araw ng Kagitingan ay bahagi ng pag-alala sa makasaysayang pagbagsak ng Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (Bella Gamotea)

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget