Nasiguro ng Far Eastern University ang No.3 spot sa Final Four nang gapiin ang Adamson, 25-23, 25-22, 20-25, 28-26, nitong Miyerkules sa UAAP Season 78 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan.

Hataw si Bernadeth Pons sa 19 puntos para mahila ang karta ng FEU sa 9-5. Tangan ng Ateneo (11-2) at La Salle (10-2) ang top two spot, gayundin ang twice-to-beat na bentahe sa Final Four series.

Nag-ambag si Sophomore Jerrili Malabanan sa naiskor na 11 puntos habang kumana sina Toni Basas at skipper Mary Palma ng tig-10 puntos para sa Lady Tamaraws.

Bagsak ang Adamson sa 3-10. “At least na-reach na namin ’yung No. 3 and thank you kay God kasi sobrang hindi niya kami pinabayaan lalo na itong last game ng elimination, wala akong masabi,” sambit ni FEU coach Shaq De los Santos.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Nagulat kami kasi galing kami sa tatlong panalo tapos biglang ganoon ang laro namin,” aniya.

“Actually ang sinasabi ko na nga, ‘wag niyong isipin ang last game natin against Adamson kasi talagang medyo maa-ano tayo doon, ang isipin niyo kung paano natin kinuha ang tatlong sunod na panalo natin.”dagdag pa ni De Los Santos.

“Siguro, para sa akin, may part lang pero hindi naman lahat ganoon. Nataon lang talaga na pangit ang laro namin kanina.”

Napatatag naman ng Ateneo ang kapit sa liderato nang gapiin ang bokyang University of the East, 25-15, 25-13, 25-11.

Makakaharap ng Ateneo ang La Salle sa ikalawang pagkakataon sa elimination round sa Linggo bago tapusin ang kampanya kontra National University sa Martes.

Nanguna sa Lady Eagles si Alyssa Valdez sa na 17 puntos, habang tumipa si sophomore Jhoana Maraguinot ng 13 puntos.

“Most of my teammates played well today so it was really a good game for us and hopefully the win we got today give us confidence for the next game,” ayon kay Valdez.

Natikman ng UE ang ika-58 sunod na kabiguan sa liga. (Marivic Awitan)