Upang maiwasan ang mahabang pila, pinayuhan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na alamin ang numero ng kanilang voting precinct bago ang eleksiyon sa Mayo 9.
“We advise voters to check their respective Voting Centers and Precinct Numbers ahead of May 9, 2016 on www.comelec.gov.ph or through the Voter’s List on Election Day. This will help us avoid long queues that can discourage some from voting,” saad sa pahayag ni Comelec Chairman Andres Bautista. “You will see in our posters that the first step in voting is to know where you will vote.”
At ngayon na may 33 araw na lang bago ang halalan, pinaigting ng Comelec ang voter’s education, sa pakikipagtulungan sa mga grupo ng transportasyon, mga media network, at mga shopping mall.
Sinabi ni Bautista na magdi-display din ang Comelec ng mga voter education information poster sa lahat ng pasilidad ng Philippine Ports Authority, Civil Aviation Authority of the Philippines, Light Rail Transit Authority, Light Rail Manila Corporation, Philippine National Railways, at Manila Metro Rail Transit System.
Hiniling naman sa mga media network na tumulong sa pagsasahimpapawid ng mga infomercial na gagawin at hindi dapat gawin sa eleksiyon, habang magtatampok din ng mga audio-visual presentation sa mga sinehan ng pinakamalalaking mall sa bansa.
Sa mga anunsiyo, bibigyang-diin ng Comelec ang pagpapasok ng voter’s receipt sa kahon na itinalaga para rito, dahil labag sa batas at maaaring kasuhan ang botanteng mag-uuwi nito.
Dinadala rin ng Comelec ang mga vote counting machine (VCM) sa mga komunidad, eskuwelahan at iba pang establisimyento para sa voter education sessions. (LESLIE ANN G. AQUINO)