Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na kailangang managot si Pangulong Benigno S. Aquino III sa pagkamatay ng tatlong magsasaka at pagkasugat ng maraming iba pa sa marahas na dispersal sa barikada ng mga ito sa Kidapawan City, North Cotabato, kamakailan.

Kasabay nito, mariin ding kinondena ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP- Episcopal Commission on the Laity, ang marahas na dispersal sa mga nagpoprotestang magsasaka.

“I join my voice in protesting the shooting and the violent dispersal of the protesting farmers in Kidapawan. This is not the way to react to the grievances of the farmers that the government was not able to address in the first place,” sinabi ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.

Sinabi ng obispo na ang nangyari sa Kidapawan ay pagpapakita lang ng kapabayaan ng Aquino administration sa mahihirap, sa mga magsasaka, at sa mga lumad.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Hindi rin nagustuhan ng Obispo na mistulang balewala lamang sa pangulo ang paghihirap ng maraming Pilipino.

“He (Aquino) is calloused to those who suffer. Their suffering did not come out of the blue. They had suffered for months. Either he and his people did not know it or they did not feel it,” dagdag pa ni Pabillo.

Ipinaliwanag pa ng obispo na ang El Niño ay hindi gaya ng isang bagyo na maaaring maging biglaan ang pagdating at ikagulat ng gobyerno, at dahil dalawang taon na ang nakalipas mula nang ihayag ang pagtama ng El Niño sa maraming lalawigan sa bansa ngunit, dapat ay may nakahanda nang aksiyon ang gobyerno tungkol dito. (Mary Ann Santiago)