rrider copy

Antipolo City – Abot-kamay na ni Jan Paul Morales ang tagumpay, ngunit ayaw magpakasiguro ng Philippine Navy Team-Standard Insurance.

Mas kailangan ng kanyang mga kasangga ang maging bantay-sarado para hindi masingitan ng mga karibal, higit ang gutom sa panalong miyembro ng LBC/MVPSF sa pagsikad ng Stage 3 criterium ng 2016 LBC Ronda Pilipinas Luzon leg ngayon sa bulubunduking kalsada dito.

Mga Pagdiriwang

Ang mayamang tradisyong tatak ng 'Paskong Pinoy'

“Siyempre, kailangan namin depensahan at protektahan ang miyembro namin,” sambit ni Navymen team captain Lloyd Lucien Reynante.

Tangan ni Morales, Mindanao leg winner, ang simbolikong red jersey matapos dominahing ang unang dalawang stage sa Paseo de Santa Rosa sa Laguna at Talisay City, Batangas, ayon sa pagkakasunod.

Taliwas sa unang dalawang leg kung saan milya ang naging bentahe ng Navymen sa mga karibal, tatlong miyembro ng Team LBC/MVPSF ang nagbabadya na agawin ang liderato at sa takbo ng sitwasyon may malaking tsansa na maisakatuparan ito nina Rustom Lim, George Luis Oconer at Ronald Lomotos.

Limang miyembro pa ng Navy ang nag-ookupa sa ikalima hanggang ikasiyam na puwesto bagamat dalawang Team LBC ang nakatutok sa Top 10 na naghihintay lamang ng pagkakataon para umatake sa pinakamalaking karera sa bansa na inorganisa ng LBC Express at sanctioned ng PhilCycling sa pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX.

Nakalalamang si Morales ng 10 puntos sa bitbit nito na kabuuang 30 overall point kumpara kay Lim. Gayunman, pinangangambahan ng Navy ang huling tatlong yugto kabilang ang isasagawa ngayon na criterium at ang tampok na Stage Four road race na magsisimula sa Dagupan City at aakyat sa Baguio City.

“Maganda ang kundisyon ko ngayon at talagang hindi ko mapigil na ituloy-ituloy eh,” sabi lamang ng 30-anyos na si Morales, pambato ng Calumpang, Marikina.

“Sana ganito pa rin ang kondisyon ko hanggang sa last Stage,” aniya. (Angie Oredo)