AS usual, masaya ang interbyuhan kay Barbie Forteza habang ginigisa ng entertainment press dahil kapansin-pansin daw sa That’s My Amboy na parang totoong in love na in love siya kay Bryan na ginagampanan ni Andre Paras.
“I love my job,” natatawang sagot ni Barbie. “Ibinibigay ko lang po ‘yong acting at emotion ko sa hinihingi ng role ko. Almost two years na kaming magkatrabaho ni Andre kaya po sobrang close na kami at ang sarap makatrabaho ng isang marunong makisama kapag kailangan sa eksena. Minsan, sasabihan ko siya na dahan-dahan lang pag-deliver niya ng dialogue, para naman makapaghanda ako sa gagawin kong eksena , at sumusunod naman siya. Ganoon po si Andre, mabait, gentleman at ready siyang sumuporta sa pagpi-prepare ko sa aking mga eksena.”
Crush ba niya si Andre?
“Hindi naman mahirap magka-crush sa tulad ni Andre. Naa-appreciate ko po iyong willingness niyang matuto. Hindi ko po inilalayo sa topic natin ang sagot ko.”
Sa eksena nila na nire-reject siya nito, parang totoo ang emotion niya. Nakaranas na ba siya ng rejection?
“Bakit, hindi ba masakit naman talaga ang ma-reject sa tunay na buhay? Yes po, nakaranas na rin ako ng rejection, pero bata pa ako para ma-reject sa love, siguro po sa infatuation lang. Pero iyong lahat ng rejection na naramdaman ni Maru (character niya sa soap), hindi ko pa iyon naramdaman. Saka sa story ngayon, masaya na ako dahil boyfriend ko na si Bryan.”
Siya pala ang nangri-reject, kaya wala pa rin siyang boyfriend. Bakit naman siya nagri-reject ng suitors?
“Maarte po kasi ako, marami akong gusto sa buhay, marami akong expectations, kaya kapag hindi nila ma-meet ang expectations ko, nire-reject ko sila.”
Hindi ba siya in-love kay Andre ngayon? O may iba siyang boyfriend?
“Siguro po, inspired lang ako ngayon. P’wede po bang friends lang muna? Sa ngayon naman, p’wede na rin akong magka-boyfriend at p’wede na ring ma-hurt,” biro pa ni Barbie. “Basta happy po ako ngayon.”
Nag-bonding ba sila ni Andre sa States?
“Nagkikita lang po kami ni Andre sa show na, kasi kasama ko rin ang sister ko, at ang routine namin, show, balik sa hotel, ihanda ang baggage namin para sa susunod na venue at sa show na kami ulit magkikita dahil kasama naman niya ang brother niya si Kobe. Hindi rin kami nakapunta man lamang para mag-shopping, kulang kami talaga sa oras. Pero nag-enjoy po ako kasi first time ko iyong pumunta sa States at first time namin ni Andre na mag-show with the lolas and Tita Ai Ai (de las Alas) kaya labis ang pasasalamat namin sa lahat ng mga kababayan nating nanood sa tatlo naming shows.”
Napapanood ang That’s My Amboy pagkatapos ng Poor Señorita sa GMA-7. (NORA CALDERON)