John, Chris at ang 143 boy group copy

NAGING biruan na sa showbiz na kapag may galit ka raw sa tao, hikayatin mong mag-produce ng pelikula para masaid ang life savings at magkautang-utang kapag hindi kumita.

Naalala namin ito dahil pinasok na rin ng masipag na public relations (PR) man at talent manager na si Chris Cahilig ang film production.

Pero for the love of filmmaking ang nagtulak kay Chris, walang kagalit na nagsulsol sa kanya, he-he….

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Si Chris ang producer ng Echorsis: Sabunutan Between Good and Evil na sa April 13 na ang playdate. Tinanong namin siya kung hindi ba siya natatakot dahil bihirang indie movie ang kumikita at higit sa lahat, makakatapat nito ang foreign movie na matagal na ring inaabangang ipalabas dito sa Pilipinas.

“Hindi, kasi naniniwala akong kikita ito at confident kami na this movie is really beautiful,” sagot ni Chris.

Ipinagmamalaki ni Chris na 11 days lang nila tinapos ang kanyang first movie as producer.

“Umabot ng 11 days at pinaka-proud ako kasi umabot lang ng 16 hours averaging 12 hours a day. So, talagang ethically made siya, hindi talaga pagod o nabugbog ‘yung cast and crew sa pelikula kasi well-planned kaya maayos,” aniya.

Magkano ang production cost ng Echorsis?

“Total investment is P10M, plus marketing pa, abot ng P13-15M. Confident naman kami (na kikita) because of the bustle in social media saka ang pink market (LGBT community) naka-support.”

Confident ding sinabi ni Chris na kumita man o hindi ang pelikula ay okay lang sa kanya, basta natupad na ang isa sa biggest dreams niya.

“Kasi mahilig talaga ako sa pelikula, ayoko namang umarte. Bucket list ko talaga siya, kumita o hindi. Basta nagawa ko ang gusto kong gawin. At dahil gusto kong gawin, nasigurado kong maganda siya. Kaya happy ako.”

Optimistic din si Chris na maipapalabas nationwide ang Echorsis: Sabunutan Between Good and Evil at hindi tulad ng ibang indie movie na bilang lang ang sihenan.

“Actually, nationwide siya, hindi pa lang ako ina-update ni Atty. Joji (Alonso, Quantum Films producer) kasi siya ang magdi-distribute ng movie kaya lahat ng Ayala (malls), SM, Robinsons, talagang everywhere, even sa provincial kasama like Davao, Cagayan De Oro City, Cebu kasama,” masayang sabi ni Chris.

Trulili ang sinasabi ni Chris na maganda ang Echorcis. Katunayan, tawanan nang tawanan ang mga nanood sa premiere night last Sunday at pagkatapos ng screening ay masayang lumabas ng sinehan ang mga nanood.

Kitang-kita naman na nakahinga ng maluwag ang producer at ang cast sa mga papuring sinabi sa kanila ng audience.

Tawa rin kami nang tawa sa pelikula, lalo na sa eksena ni Alessandra de Rossi na manggagamot pero iika-ika na may spoof pang kunwari beauty queen siya habang dala-dala ang baton niya na panghampas sa espiritung sumasanib kay Alex Medina. Panalung-panalo rin ang dialogues nila.

Nakakaaliw panoorin si Alex dahil talagang magaling siyang gumanap bilang bading kapag sinasapian na siya ni Sweet, lalo na kapag kumakanta-kanta siya at ginagalaw-galaw ang mga kamay. Hindi mo na iisiping brusko siyang actor sa personal.

At higit sa lahat, super enjoy ang mga kapatid sa panulat dahil sa maraming eksenang naka-topless at short si Alex na lalaking-lalaki raw.

Maganda ang script ng Echorsis dahil mula ito sa panulat ng Palanca awardee na si Jerry Gracio.

Kasama nina John Lapus, Alessandra at Alex sa cast sina Chokoleit, Kiray Celis, Mich Liggayu, Ruby Ruiz, Negi Negra, Bekimon, Nico Antonio, Francine Garcia, Odette Khan, 1:43 boy group na binubuo nina Yuki Sakamoto, Anjo Resurreccion, Gold Aquino, Yheen Valero, mula sa direksyon ni Lemuel Lorca. (REGGEE BONOAN)