Hiniling sa Korte Suprema nitong Biyernes na ikonsidera ang opinyon ng publiko, na ipinahahayag sa media outlet, sa pagresolba sa motion na humihiling na muling pag-isipan ang desisyon na nagpahintulot kay Senator Grace Poe para kumandidatong pangulo sa halalan sa Mayo 9.
Sa isang mosyon, binanggit ni dating Sen. Francisco Tatad ang mga artikulo na lumabas sa mga peryodiko at sa iba pang media outfit na sinisipi ang mga abogado at legal organization na tumutuligsa sa nasabing desisyon ng kataas-taasang hukuman.
Sa pamamagitan ng abogadong si Manuelito Luna, umapela si Tatad sa Supreme Court (SC) na pahintulutan ang kanyang mosyon at magkaroon ng judicial notice sa mga nakalathalang artikulo dahil relevant ang mga ito sa kanyang motion to reconsider sa desisyon noong Marso 9 na pumabor kay Poe.
Binanggit ni Tatad ang pronouncement ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na hindi naresolba ng desisyon ng SC ang usapin sa citizenship at residency requirement ni Poe.
Tatlong mosyon ang inihain laban sa nabanggit na desisyon ng SC, at tatalakayin ang mga ito sa full court session ng Korte Suprema sa Abril 5, sa taunang summer session sa Baguio City. (Rey Panaligan)