KUNG hindi nabuko ang pagnanakaw (hacking) ng $81 million mula sa Bangladesh Central Bank na naideposito sa RCBC at “nalabhan” o napunta sa iba’t ibang casino sa Pilipinas, tiyak na ang bansa natin ay tatawaging: “PH Money Launderer”.

Samakatuwid, ang ‘Pinas ay hindi lamang isang “Illegal Drug Laboratories Country” kundi “Money Laundering Nation” na rin na ginagawang “labahan” ng maruruming pera sapagkat may mga corrupt na pinuno ng gobyerno at tiwaling pribadong indibiduwal na handang ipagkanulo ang kabutihan at karangalan ng bansa basta sila ay magkakamal ng milyun-milyong piso na nakaw mula sa ibang bansa.

Hindi ba ninyo naoobserbahan na napakaraming illegal drug laboratory sa iba’t ibang panig ng kapuluan na ang mga may-ari ay mga dayuhan na may kasabwat na mga lokal na pinuno ng pamahalaan, military at PNP? Maging sa kasuluk-sulukan yatang sityo at barangay sa bansa ay laganap na ang ilegal na droga kung kaya pati mga kabataan sa baryo ay mga drug addict na rin.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

***

Alam ba ninyong ang illustrator ng comic book ni ex-DILG Sec. Mar Roxas na pumupuri sa kanya bilang isang BAYANI at action man sa panahong nananalasa ang Supertyphoon Yolanda sa Leyte at Samar na kumitil ng maraming buhay, ay maka-Duterte?

Siya ay si Karl Comendador, kilalang cartoonist-illustrator ng local comic industry noong 1970s at 1980s. Ang comic book ni Sec. Mar na may titulong “Sa Gitna ng Unos”, ay naglalarawan kay Roxas bilang isang “action man” na humarap sa panganib habang hinahataw ng Yolanda ang Visayas. Sa naturang comic book, ipinakita ang ginoo ni Korina bilang isang public servant na handang isakripisyo ang personal ambisyon alang-alang sa bayan. Anong masasabi niyo rito, VP Jojo Binay at Mayor Digong Duterte?

Tumanggap ng katakut-takot na batikos si Roxas mula sa social media dahil sa pagkakalathala ng nasabing comics. Ayon kay Mar, hindi niya matandaan kung nakita na niya o inaprubahan niya ang comic book. “I don’t know. Many materials are coming out. Comics is part of our culture, of regular and conventional campaigns.” badya ni Sec. Mar Roxas, LP presidential bet.

Sa panig ni Comendador, sinabi niyang “Ito ay trabaho lamang at walang personalan.” Tahasang inihayag ng illustrator na iboboto niya si Mayor Rodrigo Duterte. Binira niya ang mga basher sa social media at inakusahan ang nagbibigay ng malisyosong komento tungkol sa tunay na konsepto ng comic bilang “mga vandal”. Gayunman, sa kanyang FB account, humingi ng paumanhin si Comendador sa mga tao na maaaring nasaktan sa ginawa niya.

Siyanga pala, panay ang kampanya nina Binay, Duterte, Poe at Roxas, ngunit si Sen. Miriam Defensor Santiago ay parang walang inaanunsiyo kung saan siya nangangampanya. Ang kanyang katambal na si Sen. Bongbong Marcos ay walang humpay sa pagkampanya sa iba’t ibang lugar. Maging sa home province ni PNoy ay nagtungo siya at sinalubong ng maraming tao, kabilang ang mga alkalde na mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC). Kapag nanalo si Bongong at namatay ang nanalong presidente, aba, Marcos na naman! (Bert de Guzman)