ANG pagkasunog ng 200-ektaryang kagubatan ng Mt. Apo ay maaari sanang maiwasan kung mahigpit na ipinatutupad ang community-based forest management scheme.
Nakikipag-ugnayan ang community-based forest management program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na alagaan, ipakilala at protektahan ang mga nanganganib na kagubatan, bilang kapalit ng kanilang maayos at tamang paggamit at pakikinabang sa kagubatan.
Inoobliga rin ang DENR na paigtingin ang pagbabantay sa mga upland community laban sa pagsusunog sa mga kagubatan.
Maaaring ang mga patakaran ay ipinatutupad nga sa Mt. Apo, ang pangunahing breeding ground ng mga nanganganib na Philippine eagle, ngunit hindi ito sinusunod.
Alam ko kung gaano ka-epektibo ang community-based forest management. Ako at ang anak kong si Jed ay miyembro ng Kalibo Save the Mangroves Association, Inc. ang watchdog ng Bakhawan Eco-Park sa Kalibo, Aklan, isang 250-ektaryang mangrove forest, na pinaunlad sa ilalim ng pamamahala ni Dr. Allen Salas Quimpo, ang dating Aklan congressman, at kasalukuyang Northwestern Visayan Colleges president. Kinokonsidera ito ng United Nations bilang isang mahalagang modelo sa environmental protection and development.
Bukod sa Boracay, ang Bakhawan Eco-Park ngayon ang pangunahing atraksiyon sa local at banyagang turista. Ito ngayon ang breeding ground at tahanan ng iba’t ibang uri ng ibon at migratory species mula sa iba’t ibang bansa.
Sa pamamagitan ng tourism entrepreneur, ang paraan ng pagtulong ng retiradong US Navy officer na si Ariel Abriam, ang Bakhawan project ay may world-class na pasilidad para sa mga bisita, at host Kapihan sa Aklan media forum.
(Johnny Dayang)