NA-HACK ang $81 million ng Bangladesh habang ito ay nasa Federal Reserve ng Amerika. Ang may kagagawan nito, ayon sa casino junket operator na si Kim Wong, ay sina Shuhua Gao at Ding Zhize. Pumasok ang napakalaking salaping ito sa ating bansa sa pamamagitan ng limang dollar account na binuksan sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) Jupiter, Makati branch. Peke pala ang mga account na ito na binuksan ng bank manager na si Maia Deguito na dinepositohan ni Gao ng 500 dollar bawat isa. Buhat sa mga account na ito lumabas na ang malaking bahagi ng $81 million ay pinaghatian ng iba’t ibang casino.
Noong inaamyendahan ang Anti-Money Laundering Act (AMLA), hindi isinama ng mga mambabatas sa sakop nito ang casino.
Hindi kaya alam na nila, o kung sinuman ang nagmungkahi na iitsapuwera ang casino sa AMLA, na narito na o papasok na sa bansa ang dolyar ng Bangladesh? Kasi, iyong limang account na pinasukan ng dolyar ay binuksan na noong Mayo, 2015.
Kaya malakas ang loob ng RCBC sa ginawa nitong hindi pag-ipit sa pera ng Bangladesh noong inilalabas na ito. Ang sabi kasi ni Sen. Osmeña, sa pagdinig ng Senado noong Martes, na sa laki ng perang sangkot sa transaksiyon ay dapat nagsuspetsa na ang RCBC at pinigil ang withdrawal nito. “Hindi namin magagawa ito hanggang walang court order,” sagot ni Maria Celia Estavillo na siyang pinuno ng RCBC legal and regulatory affairs group.
Nakausap umano ni Osmeña ang mga nangungunang bangko sa bansa at sinabi umano ng mga ito sa kanya na kung sila ang nasa kalagayan ng RCBC ay ginamit nila ang kanilang sariling pagpapasiya at pinigil ang transaksiyon. “Hindi ganoon ang basa namin sa batas,” sagot ni Estavillo. Tumanggi rin si Estavillo na ibigay sa Senado ang bank records ng limang dollar account na pinagdepositahan ng dolyar ng Bangladesh. Protektado, aniya, ang mga ito ng bank secrecy law.
Hindi ako kuntento kung ititigil ang imbestigasyon ng Senado sa pagtuklas ng tunay na nangyari sa $81 milyon salapi ng Bangladesh kay Deguito o sa RCBC. Mga dayuhan ang lumalabas na utak ng pagnanakaw. Pero, hindi magkakalakas ng loob ang mga ito na ipasok ang salapi sa bansa kung wala silang kasabwat na mataas at makapangyarihang opisyal ng ating gobyerno para dito linisin ang maruming pera. (Ric Valmonte)